“KAYO ang partido ko.”
Ito ang linyang binitawan ni Senadora Grace Poe sa pagbisita sa Burgos Public Market sa Bacolod City kamakailan.
Taong 2016 nang gamitin din ni Poe ang ganitong linya sa kanyang unsuccessful presidential bid, kung saan tumakbo siyang independent subalit inendorso ng bawat indibidwal na miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC).
Bilang independent re-electionist candidate, sinabi ni Poe sa harap ng publiko na mas magiging malakas ang Senado kung mixed senatorial slate ang pipiliin ng Pinoy voters.
Nilinaw rin ni Poe na hindi siya kandidato sa ilalim ng administrasyon o oposisyon kaya nanatili siyang independiyente sa mga nagdaang eleksiyon.
“Kayo ang partido ko. Ang utang na loob ko sa inyo,” sabi ni Poe. “Of course, one party will always push for a straight slate. But for me, for example, in my own personal capacity, I talk to the people to vote for certain people whom I know really work,” sabi pa nito.
Idiniin pa ni Poe na pinakamahalaga niyang katangian na mapagkakatiwalaan dahil tapat na naglilingkod sa tao.
“Sa paglilibot natin sa bansa para makasama at marinig kayo, isang mag-aaral ang nagtanong sa atin: bakit ako dapat iboto bilang senador? Sinagot ko siya na ang pinakamahalagang katangian ng senador ay mapagkakatiwalaan, at mapagkakatiwalaan ako. Matit-ingnan ko ang sinuman sa mata at masasabi kong tapat ako. Hindi ko kayo nanakawan. Hindi ko kayo aapihin. Hindi ko kayo hihiyain,” ani Poe.
“Maraming salamat, Bacolod, Bataan, Batangas, at Oriental Mindoro sa napakainit na pagtanggap sa atin. Asahan ninyong lagi ninyo akong mapagkakatiwalaang unahin ang inyong kapakanan kaysa sa anupamang interes sa ating trabaho sa Senado,” dagdag ng senadora na laging nangunguna sa lahat ng survey.
Comments are closed.