GRACE POE, SURE NA NO. 1 SENATORIABLE

grace poe

MALAKI ang paniniwala ng mga eksperto sa politika na hindi na matitibag at sigurado nang magiging No. 1 sa nalalapit na May 13 elections si Senadora Grace Poe.

Ayon kay STORM political strategist Perry Callanta, malaking bagay ang “FPJ Magic” kaya mabango sa mga botante si Sen. Poe bilang No. 1 senatoriable.

“Walang makatitibag kay Sen. Grace Poe bilang No. 1 senatoriable, para mabakbak mo siya bilang topnotcher ay kailangang imaniobra ang resulta ng survey at walang maniniwala lalo’t consistent siyang No. 1,” ani Callanta.

Ganito rin ang paniniwala ni Cavite statistician Jane Porter dahil malakas ang batak sa tao ni Sen. Poe dahil sa kanyang amang si Fernando Poe Jr. at marami pa rin ang nakikisimpatya sa pagkatalo nito noong 2004 sa pamamagitan ng Dagdag-Bawas.

“Kung pagbabatayan ang resulta ng lahat ng survey, pinakahuli ang isinagawang nationwide survey ng grupong Magdalo na inilabas ni Senador Antonio Trillanes IV nitong Lunes, tiyak nang mangunguna si Sen. Grace Poe sa mga kandidatong senador sa midterm elections sa Mayo 13, 2019,” ani Porter.

Laging nangingibabaw ang pangalan ni Poe bilang top choice for senator  sa survey ng Pulse Asia, Social Weather Station, The Center, Publicus, Radio Mindanao Network, Radio Veritas at No. 1 maging sa isinagawang 2019 mock election sa Polytechnic University of the Philippines, Sta. Mesa, Manila kamakailan.

Si Poe ay nakakuha ng rating na 60.4 percent mula sa 3,000 respondents na lumahok sa Magdalo survey noong Abril 2-4.

Ang mga respondent sa nationwide survey ng Magdalo ay binigyan ng listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at may tanong na :”Kung ngayon gagawin ang eleksiyon sa pagka-senador, sino sa mga sumusunod na kandidato ang inyong iboboto? Pumili hanggang 12 na kandidato.”

Ayon kay Trillanes, chairman ng Magdalo, kahit dikit ang labanan ay patuloy naman umaangat ang rat-ing ng iba pang kandidato ng Otso Diretso.