GRACE POE, TOPNOTCHER PA RIN SA 5 SURVEY

GRACE POE-3

TIYAK na ang pagiging No. 1 ni  Sen. Grace Poe sa nalalapit na midterm elections sa Mayo makaraang manguna sa limang survey, pinakahuli ang 2019 Pulso ng Pilipino Tracking survey ng The Issues and Advocacy Center (The CENTER) na isinagawa nitong Enero 4 hanggang Enero 8, 2019.

“The non-commissioned survey was conducted from January 04 to 08, 2019 with some 1,200 respondents  eligible to vote in the 2019 senatorial and local elections. The survey has a confidence level of 98% and a margin of error of + 3.5%,” ayon sa ulat ng The CENTER.

Sa mga tinanong, pi­nili si Sen. Poe ng 63 porsiyento (%) para maungusan si  Sen. Cynthia Villar sa natamo nitong 62% sa mga kumakandidatong senador.

Nanguna rin si Poe sa pinakahuling resulta ng survey ng Pulse Asia Research Inc. kaugnay ng 2019 Elections Senatorial Preferences nitong Dis­yembre 14-21, 2018.

Bago ito, si Poe rin ang No. 1 sa mga survey ng Issues and Advocacy Center (The Center) nitong Nobyembre 12-18, 2018, Radio Mindanao Network (RMN) 2019 Election Survey nitong Nobyembre 7-17, 2018 at halos dikit kay Sen. Cynthia Villar sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) nitong Disyembre 16-19, 2018 kaya nakatitiyak si Poe na magiging topnotcher sa nalalapit na halalan sa Mayo 13.

Nasa ikatlong puwesto sa The Center survey si dating senador at Rep.  Pia Cayetano na may 55% at nanatili sa No. 4 spot si Sen. Nancy Binay  sa taglay na 49%. No. 5 si Sen. Koko Pimentel sa natamong  44% samantalang nagpantay sa ikaanim at ikapitong puwesto sina dating senador Lito Lapid at Jinggoy Estrada  sa 42% at 41%.

Nasa No. 8 spot si Sen. Sonny Angara (39%), No. 9 si Francis Tolentino (33%), nasa No. 10. si da­ting Philippine National Police chief Bato Dela Rosa  (29%), No. 11. Si dating senador Serge Osmeña  (27%), at pang-12 si dating Special Assistant to the President Bong Go,  (24%).

Para kay political stratategist Perry Callanta ng Strategic Training, Organizing and Research Management (STORM) Consultants, malaki pa rin ang batak ni Fernando Poe Jr. (FPJ) sa kandidatura ni Poe lalo sa Visayas at Mindanao.

“May ‘FPJ Magic’ pa rin talaga kaya sigurado ako na magiging topnotcher si Sen. Poe sa nalalapit na eleksiyon,” diin ni Callanta. “Maganda rin ang mga nagawa ni Sen. Poe sa Senado tulad ng pagpapahaba ng validity ng ating mga  pasaporte at drivers’ license sa ten years.”

Idinagdag niya na kitang-kita ang lakas ng mahika ni FPJ kung bakit laging nasa Top 10 si da­ting senador at aktor na si Lito Lapid dahil sa papel nito sa seryeng “Probinsiyano” ng ABS-CBN.

“Maganda ang papel ni Lito Lapid sa ‘Probinsiyano’ kaya lagi siyang pasok sa Top Ten ng mga survey,” dagdag ni Callanta.

Comments are closed.