SI Graciano López Jaena ay isang Pilipinong manunulat, rebolusyonaryo, at pambansang bayani mula sa Iloilo, na nakilala sa kanyang pahayagang, “La Solidaridad”.
Nakilala rin siya sa akdang Fray Butod, na ang ibig sabihin sa salitang Hiligaynon ay “kabag” at “tabatsoy”.
Mahirap lamang ang pamilya ni Graciano. Mananahi ang kanyang inang si María Jacoba Jaena, at jack-of-all trades naman ang kanyang amang si Plácido López, ngunit nagkapag-aral naman siya kahit paano.
Sa gulang na anim na taon, ipinadala siya kay Fray Francisco Jayme, na noon ay nagtuturo sa Colegio Provincial de Jaro. Napansin ng pari ang kanyang talino at ang galing sa pagsasalita.
Noong 1870, nag-aral siya ng Teyolohiya at Pilosopya sa seminaryo ng San Vicente. Tinangka niyang pumasok sa Universidad de Santo Tomas sa Manila subalit tinanggihan siya dahil hindi siya nakatapos ng Bachiller en Artes. Naging apprentice siya ng mga duktor sa ospital ng San Juan de Dios, ngunit hindi siya nakatapos ng pag-aaral dahil wala na siyang pera kaya bumalik siya sa Iloilo. Ginamit niya ang kanyang natutunan sa panggagamot sa mga barrio at baranggay sa paligid.
Ngunit sumidhi ang poot niya sa mga nasaksihang kalupitan at pag-api ng mga frayle sa mga Filipino. Noong 1874, sinulat niyang “Fray Botod,” prayleng bundat na matakaw at mahilig sa babae – sanhi kaya nakainitan siya ng mga paring Kastila. Aniya, “Lagi nang banggit ang Dios at Mahal na Birhen samantalang panay ang daya at pagsamantala sa mga tao.”
Hindi ito nalathala kailanman subalit maraming kopya naman ang umikot sa Kabisayaan, na lalong ikinagalit ng mga frayle.
Nagalit siya ng husto nang patayin ng Espanyol na alcalde ng Pototan ang ilang bilanggong katutubo. Pinalabas nilang nagpakamatay ang mga katutubo.
Noong 15 Pebrero 1889, inilunsad sa Barcelona ang “La Solidaridad”, na sumikat naman ng husto. Ito ang ginamit na sandata ni Lopez-Jaena upang ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipino. Sa Barcelona na siya namatay sa sakit na tuberculosis sa edad na 39 anyos. – SHANIA KATRINA MARTIN