INIHAYAG ng Department of Education (DepEd) na tuloy ang graduation ceremony para sa mga nakapagtapos ng Grade 6 para sa school year 2018-2019.
Alisunod ito sa inilabas ng DepEd Memoramdum bilang 025 na kung saan ay nilinaw ni Education Secretary Leonor Briones na bibigyan ng diploma ang “completers” sa Grade 6.
Ang pahayag ni Briones ay bilang pagtutuwid sa naunang memorandum order ng kagawaran na nagsabing “moving up” ceremony lamang ang igagawad sa mga nagtapos ng elementarya.
Sa naturang memo, ani Briones na ‘under discussion’ pa sa hanay ng executive committee ang nasabing panukala dahil sa implementasyon ng K to 12 program ng DepEd.
Nakapaloob sa nasabing DepEd memo, ang mga nagtapos ng kindergarten ay bibigyan ng Kindergarten certificate kasabay ng moving-up ceremony.
Samantala, ang mga nagtapos ng Grade 10 ay pagkakalooban ng Junior High School certificate sa kanilang moving-up ceremony at ang mga nakakumpleto ng requirements at pumasa sa Grade 12 ay bibigyan ng diploma bilang “Senior High School” completers kasabay ng graduation ceremony.
Ayon pa kay Briones, ang seremonya ng pagtatapos sa school Year 2018-2019 ay dapat na magsimula sa Abril 1 at hindi lalampas ng April 5.
Binigyang diin pa, ang gagastusin sa moving-up at graduation ceremonies para sa mga pampublikong paaralan ay dapat kunin sa pondo mula sa maintenance and other operating expenses ng mga paaralan at hindi dapat singilin ang mga mag-aaral para sa nasabing mga seremonya.
Gayundin, ipinagbabawal din ng DepEd ang pagsasagawa ng Junior-Senior promenade, field trips at film showing bilang alternatibong paraan para makapasa ang isang mag-aaral sa kanyang mga kakulangan na asignatura.
Nauna rito, nagpahayag ng kalungkutan ang mga magulang at mag-aaral ang pagtanggal sa graduation ceremony para sa kindergarten, grade 6 at junior high school.
Anila, walang katumbas na kaligayahan kapag nakitang umaakyat na ng entablado ang kanilang mga anak kasabay ng musika habang nakasuot ng graduation toga.
Reaksiyon nila ito sa ipinalabas na DepEd Order 002 Series of 2019 kung saan tanging senior high school lang ang may graduation ceremony at moving up na lamang sa iba.
Comments are closed.