GRADE 10 STUDENT, 1 PA TIKLO SA P840-K MARIJUANA

PASOK sa kulungan sa halip na sa paraalan ang grade 10 student, kasama ang isa pa nang maaresto sa pagtutulak ng marijuna sa Novaliches, Quezon City kahapon ng umaga.

Kinilala ni Novaliches Police Station (PS 4) commander Lt. Col. Von June B Nuyda, ang nadakip na grade 10 na alias “Boss”, 18-anyos, at kasamang si Amador Grefal, alias “Nonoy”, 21-anyos, kapwa residente ng Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Sa report, bandang alas-2:30 ng madaling araw kahapon nang magkasa ng buy-bust ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng PS 4, sa No. 1015 Salvador Ave., Jordan Plains Subd., Brgy. Sta.Monica, Novaliches, matapos na isang impormante ang nagsumbong sa ilegal na aktibidades ng mga suspek.

Isang pulis ang nagpanggap na iiskor ng marijuana na nagkakahalaga ng P21,000 at nang kumagat ang mga suspek ay saka dinakma ang mga ito.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 7000 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P840,000, black bag, isang one black dapple bag, at buy-bust money.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga nasabing suspek. EVELYN GARCIA