KAMATAYAN ang sinapit ng walong batang estudyante at isang security guard habang anim pang estudyante at isang guro naman ang malubhang nasugatan makaraang ratratin ng isang Grade 7 student sa loob ng Vladislav Ribnikar Primary School sa kapitolyo ng Serbia sa Belgrade nitong Miyerkules ng umaga.
Base sa ulat, naaresto ng pulisya ang suspek na si Kosta Kecmanovic (K.K.) kung saan ang ginamit na 2 baril ay pag-aari ng kanyang ama na dinakip na rin ng pulisya.
Lumilitaw sa pahayag ng Belgrade prosecutor’s office na ang suspek ay hindi maaring kasuhan dahil siya ay 13-anyos lang, kung saan ang social service ang magiging imbestigador kung ano ang nangyari.
Lumilitaw sa kuha ng ilang lokal media video mula sa crime scene, nagkagulo ang mga estudyanteng tinakpan ang kanilang ulo habang papalabas ng nasabing school kung saan tinulungan ng mga pulis na patungo sa car park sa isang eskinita.
Ayon sa senior police official na si Veselin Milic, unang binaril ng suspek ang security guard saka ang 3 kaklase sa hallway bago nagtungo sa history classroom at namaril ng mga classmate na nagtatago sa ilalim ng desk.
Idineklara na ng mga awtoridad ang 3-araw na nationwide mourning sa simula nitong Biyernes matapos ang madugong pamamaril sa nasabing eskuwelahan.
Nabatid din kay Milic na isang buwang pinagplanuhan ng suspek ang pamamaril kung saan may nakuhang listahan ng mga biktimang estudyante subalit hindi binanggit ng pulisya ang motibo ng mass shooting.
Magugunita na noong 2013 ay may naganap na mass shooting sa isang village sa Serbia kung saan namaril ang isang Balkan war veteran na aabot sa13 katao ang napatay kabilang na ang ilang miyembro ng pamilya ng suspek. MHAR BASCO