ARESTADO ang isang Grade 8 na estudyante matapos mabisto ang dalang baril sa loob ng kanyang bag nang pumasok sa kanilang paaralan sa Malabon City.
Papasok na sa gate ng kanilang paaralan sa Arellano University Jose Rizal Campus sa may Gov. Pascual St. Brgy. Baritan ang 15-anyos na estudyante alas-11 ng tanghali nang suriin ng security guard na si Alenn Olorosa ang laman ng kanyang dalang bag at nakita sa loob nito ang isang kalibre .38 revolver na may kargang isang bala at isang basyo sa chamber.
Sa ulat na tinanggap ni Malabon City Police Chief P/Col. Jay Baybayan, nagsimulang maghigpit ang pamunuan ng bawa’t paaralan sa lungsod matapos mapaulat ang insidente ng umano’y pagpapaputok ng baril ng isang Grade 7 na estudyante sa loob ng kanilang paaralan sa Dumaguete City, Negros Oriental, nito lang Biyernes na mariin namang itinanggi ng principal ng paaralan sa kabila ng mga nakuhang ebidensiya at testimonya ng pulisya.
Ayon kay Col. Baybayan, iniulat ng security guard sa Malabon Police Sub-Station 7 ang pangyayari, kaya’t kaagad silang nagresponde upang kumpiskahin ang baril at isama sa presinto ang estudyante para sa wastong dokumentasyon bago siya ipasa sa pangangalaga ng Bahay Sandigan.
Sinabi ni Baybayan na iniutos niya sa kanyang mga tauhan na dalhin ang nakumpiskang baril at bala sa Northern Police District (NPD) Forensic Unit upang isailalim sa ballistic examination.
EVELYN GARCIA