LAGUNA – MASAKLAP ang sinapit ng 14-anyos na babaeng estudyante nang umano’y patayin sa bugbog at hinihinalang hinalay pa sa bayan ng Alaminos.
Sa ulat, walang saplot, tadtad ng bukol at pasa sa kanyang ulo at mukha nang madiskubre ang labi ni Hazel Pedroso, grade 9 student at nakatira sa Brgy. San Gregorio.
Batay sa inisyal na ulat ni Sr. Insp. Serafin Cuevas, hepe ng pulisya, kay Laguna PNP Provincial Director, Sr. Supt. Kirby John Kraft, alas-12:05 ng madaling araw nang madiskubre ng kanyang mga magulang ang bangkay.
Huling nakitang buhay ang biktima alas-5:00 ng hapon nang utusan umano ng kanyang ina para bumili ng gamot at hindi nakauwi pa.
Sa pamamagitan ng tsinelas ay natunton ang labi ng biktima 300 metro ang layo sa kanilang bahay.
Patuloy pang tinutugis ang may kagagawan sa sinapit ng biktima. DICK GARAY