Ipinagpapatuloy ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region ang kanilang vision screening para sa Grades 2 at 3 school learners sa La Union na may kabuuang 410 elementary pupils ng Bauang North Elementary School na na-screen kamakalawa.
Ang Regional Blindness Prevention Program Coordinator na si Francisco S. De Vera, Jr., ay nagsabi na ang mga pagsusuri sa paningin para sa mga bata sa paaralan ay mahalaga upang makatulong na matukoy ang mga problema sa paningin na maaaring makaapekto sa kanilang pag-aaral at pag-unlad. “Mas maaga nating malalaman ang problema nila sa kanilang paningin, mas makakapagbigay tayo ng early intervention para ito ay mabigyan ng solusyon at hindi na lumala pa.”
“The vision screening test assesses visual acuity, ito yung gaano kaliwanag ang paningin ng isang bata sa iba’t ibang distansya. Kasama rin dito ang screening for color blindness at depth perception, ang ability ng isang bata na makakita ng mga bagay-bagay in three dimensions, including yung size ng object at gaano ito kalayo sa kanya,” paliwanag ni De Vera.
Ayon sa mga guro sa grade school ng Bauang North Elementary School, ang madalas na nakikitang gawi ng ilan sa kanilang mga estudyante sa kanilang mga pagsasanay sa pagbabasa ay ang pagpikit-pikit. Ito ay mga senyales na ang isang mag-aaral ay may mga problema sa paningin na maaaring humantong sa kanilang mahinang pagganap sa akademiko at pagbaba ng mga marka.
Idinagdag ni De Vera na maaaring hindi rin alam ng mga guro ang mga problema sa paningin ng kanilang estudyante. “Kaya tinuturuan din natin sila tungkol sa blindness prevention at awareness para mabigyan ng kaukulang atensyon ang problemang ito.
“Ang mga mag-aaral sa paaralan na makikitang may kapansanan sa paningin ay ire-refer sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) Ophthalmology Department para sa tamang pangangalaga at paggamot,” tiniyak niya.