INAPRUBAHAN ng inter-agency task force (IATF) ang gradual increase sa bilang ng mga pasahero na papayagan sa loob ng mga pampasaherong sasakyan.
Sa isang virtual briefing, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang public road-based at rail transport ns bumibiyahe sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan ay papayagang magdagdag ng capacity mula sa kasalukuyang 50% sa 70% simula sa Nobyembre 4, pagkatapos ay unti-unting itataas sa 100%.
“This is a welcome development considering the burden on our PUV drivers and operators of implementing the limited passenger capacity rule, which was aggravated by recent fuel price hikes,” wika ni Transportation Assistant Secretary Steve Pastor sa isang statement.
Sinabi pa ng Department of Transportation (DOTr) na ang panukalang dagdagan ang passenger capacity ay nakaangkla sa kasalukuyang Alert Level 3 status sa Metro Manila na nangangahulugan ng mas malaking pangangailangan para sa public transport sa pagbubukas ng mas maraming negosyo at sa paglabas ng mas maraming tao.
Nauna nang isinulong ng ahensiya ang mas mataas na passenger capacities para sa public utility vehicles hindi lamang para matulungan ang mga commuter na bumiyahe nang maginhawa kundi para madagdagan din ang kita ng mga driver na wala nang maiuwi sa kanilang mga pamilya dahil sa walang humpay na pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo.
Bukod sa pagtataas sa passenger capacities, magkakaloob din ang pamahalaan ng fuel subsidies sa mga apektadong jeepney driver.