MULING pinatunayan na bigo ang layunin ng K+12 Basic Education.
Ito ‘yung kinailangang mag-kinder, Grade 1 – 6 ang elementarya, junior highschool ang Grade 7 – 10 at Senior High School ang Grade 11 to 12.
Sa senior high school doon pipili ng mga kursong itutuloy para sa kolehiyo.
Kumbaga, warm up o briefing sa magiging tatapusing kurso na magiging propesyon.
Layunin ng dagdag na taon sa high school ay upang makakuha ng trabaho sakaling hindi makapagpatuloy ng kolehiyo.
Maganda ang pangakong ito dahil kung makapapasok na sa trabaho ang high school graduate sa ilalim ng K-12, aba malaking kabawasan sa taon ng pag-aaral at makakatulong na sa pagkayod.
Ngunit batay sa tunay na karanasan, hindi makapasok sa formal working sector ang nakapagtapos sa K+12 kahit nakumpleto.
Dahil sa reyalidad, college graduate pa rin with experience ang hanap ng mga kompanya.
Kung ang mga todo-aral at nakatapos ng kolehiyo with honors hindi agad matanggap sa target na kompanya kahit may backer, ‘yun pa kayang high school graduates.
Kaya naman nakakalungkot na hindi natupad ang pangako ng K+12 at tama ang Department of Education na panahon na para rebisahin ito.