DAHIL sa dinaranas na mga kalamidad ng bansa, inaprobahan ng Kamara ang House Bills 6930 at 6931 sa ikatlong pagbasa kung saan inaatasan ang mga magulang at estudyante ng high school at kolehiyo na magtanim muna ng puno bago payagang maka-graduate.
Sa report, sinang-ayunan ng lahat ng mambabatas ang House Bill 6930 o “Family Tree Planting Act,” na nag-aatas sa mga magulang at estudyanteng magtatapos na magtanim ng puno, depende kung ilan ang miyembro ng kanilang pamilya.
Ang nasabing mga puno ay itatanim sa mismong lupaing pag-aari nila, o kung sa siyudad nakatira at walang matataniman, ay sa mga lugar na itatalaga ng Barangay na nakatalaga sa kanila.
Kailangan umanong aprobado ang lugar na pagtataniman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa HB 6931 naman na naipasa rin ng walang pagtutol ng kahit isang mambabatas, inaatasan ang lahat ng graduating senior high school at college students na magtanim ng dalawa o higit pang puno bilang bahagi ng kanilang civic duty upang pangalagaan ang kapaligiran.
Ito ay prerequisite bago sila payagang makapagmartsa sa graduation.
Matatandaang noong late ‘70s hanggang mid ‘80s, lahat ng graduating students ay kailangang sumailalim sa Youth Civic Action Program (Y.C.A.P.) sa huling semester ng pag-aaral bilang pagsunod sa ipinatutupad noong “Green Revolution” ni dating pangulong Ferdinand Marcos.
Lahat din ng mga estudyante ng elementarya ay high school ay sumasailalim sa “Homeroom Program” kung saan nag-tatanim ng gulay ang mga estudyante gamit ang mga bakanteng lupa o mga recyclable cans.
Sa dalawang bagong bill na ipinasa, inaasahang mababawasan kahit paano ang problema sa pagbaha at malalakas na bagyo, limang taon mula ngayon. NENET VILLAFANIA
Comments are closed.