GRADUATING STUDENT NATAGPUANG PATAY

Patay

PANGASINAN-NATAGPUAN ang naaagnas na bangkay ng graduating student sa isang palayan ilang araw matapos i-report na nawawala sa bayan ng Anda sa lalawigang ito.

Batay sa report mula sa tanggapan ni Anda Municipal Police Station, Officer in charge Major Mark Tubadeza, ang biktima ay nakilalang si Love (di tunay na pangalan), 22-anyos ng Brgy. Caniogan, Anda, Pangasinan.

Nabatid na nitong nakalipas na Sabado ng umaga nang matagpuan ng isang concerned citizen ang bangkay ng biktima na nakahandusay at wala nang saplot sa ibabang bahagi ng katawan nito sa isang palayan sa Brgy. Cabungan sa nasabing bayan.

Napag-alaman pa na ang biktima ay nakitaan ng mga pasa at pamumuo ng dugo sa mukha at hinihinalang pinagsamantalahan muna bago pinatay.

Patuloy naman ang pagkalap ng impormasyon ang mga pulisya kung sino ang huling kasama ng biktima bago naiulat na nawawala.

Nananawagan naman ang pamilya ng biktima na mabigyan ng hustisya ang karumal-dumal na sinapit ng kanilang anak na ga-graduate na sa darating na Agosto sa kursong BS Hospitality Management sa Pangasinan State University.

Nagpahayag naman ng pagkondena ang Pangasinan State University sa sinapit ng kanilang estudyante.
EVELYN GARCIA