ISABELA – PATAY ang isang estudyante makaraang bumangga ang minamanehong motorsiklo nito sa isang Sports Utility Vehicle (SUV) sa Barangay San Fabian, Echague sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktima na si Mark Anthony Bermudez, 23-anyos, at residente ng Barangay Gumabauan na nakatakdang magtapos sa kolehiyo sa darating na Hulyo.
Habang ang drayber naman ng SUV ay kinilalang si Larry Binuya, 48-anyos.
Batay sa imbestigasyon ng Echague police station, mabilis tinatahak ng biktima ang nasabing kalsada habang papaliko naman ang SUV na minamaneho ni Binuya na naging dahilan ng salpukan nito.
Dahil sa lakas ng impact ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang estudyante na naisugod pa sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Nagkaayos naman ang magkabilang panig at hindi na magsasampa ng kaso ang pamilya ng estudyanteng nasawi. EUNICE CELARIO