PABOR si Senate Committee on Basic Education chairman Win Gatchalian sa pagsususpinde ng graduation rites at moving up ceremony mula pre-school hanggang tertiary education.
Maging ang suspensiyon ng klase ng mga estudyante sa lahat ng antas sa Metro Manila ay pinaboran din ng senador bilang bahagi ng pag-iingat kontra coronavirus disease (COVID-19).
Paliwanag ng senador, dapat tiyakin na hindi malalagay sa alanganin ang kalusugan, hindi lamang ng mga estudyante ngunit maging ng kanilang mga guro, magulang, guardian at mga kamag-anak na dadalo sa naturang seremonya.
Aniya, dahil itinuturing na isang family affair ang pagtatapos ng isang estudyante, malaki ang posibilidad na magkakaroon sila ng interaction at contamination.
Sinabi pa ng senador na dapat din isaalang-alang ang mga overseas Filipino worker (OFWs) na kadalasang nag-i-schedule ng pag-uwi sa bansa para lamang dumalo sa graduation ng kanilang anak o kamag-anak.
Payo ni Gatchalian, dapat silang maabisuhan na kaagad upang hindi na nila ituloy ang kanilang pagbiyahe pabalik sa Filipinas sakaling isuspinde ang graduation rites dahil sa paglaganap ng Covid -19. VICKY CERVALES
Comments are closed.