GRADUATION SEASON AT EMPLOYMENT

PANAHON na naman ng graduation at asahan na madaragdagan ang bilang ng mga may trabaho.

Gayunman, handa na ba ang ating mga graduate sa mas mabigat na responsibilidad at ito ay ang paghahanapbuhay?

Maaaring ang iba ay handa na lalo na ang mga working student na sanay nang maghanapbuhay, makisama sa ibang tao at magserbisyo.

Subalit ang mga magsisimula pa lamang sa pagkayod ay kinakailangan ng malaking adjustment at nararapat na gabayan ng mga magulang at mga taong nakapaligid sa kanila para sa pakikitungo sa kapwa.

Bukod sa araw-araw na paglabas ng bahay para pumasok, iba ang sitwasyon ng nag-aaral sa nagtatrabaho.

Parehong socialization ang dalawa dahil makakasalamuha ang iba tao pero ibang usapin ang pakikitungo sa classmates at teachers sa officemates at mga boss.

Kaya makabubuting ang mga first timer ay dumaan sa briefing upang maiwasan ang culture shock.

Hindi katulad ng assignment at projects sa school, ang trabaho ay on the spot habang iba na rin ang panahon ngayon na daraan sa pagtuturo bago ma-perfect ang trabaho, ngayon ay dapat “can work independently” at “can work under pressure”.

Payo sa mga magulang, busugin sa pangaral ang mga anak at ipaunawa na bagong mundo ang kanilang kakaharapin sa pagpasok sa labor force.

Pumili rin ng tamang tanggapan na mapapasukan dahil ang values ng mga boss at kasama ang bubuo sa personalidad ng indibdwal.