PASAY CITY – ARESTADO ang isang pasahero nang mahulihan ng granada sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Biyernes ng hapon habang pasakay ito sa kanyang flight palabas ng Metro Manila.
Ayon sa nakalap na impormasyon ang MK2 grenade ay itinago ng may-ari na si Deogracias Pulmano sa loob ng kanyang backpack, at nadiskubre ito matapos dumaan sa x-ray scanner sa initial screening inspection.
Nabatid na si Pulmano ay pinaniniwalaang kawani ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at isang domestic passenger kung saan hindi gaanong maipaliwanag ng Aviation police ang destinasyon nitong suspek.
Napag-alaman mula sa ilang tauhan ng Office for Transportation Security (OTS), na siyang nangangasiwa sa initial and final security checkpoints sa airport, ay agad na inalerto ng Aviation Security Group makaraang lumabas ang imahe ng isang granada sa x-ray monitor.
Agad namang nagpadala ang pamunuan ng Aviation police ng K9 unit sa terminal 2 para suriin ang nasabing bagay at kumpirmado na isang live grenade.
Nadiskubre sa isinagawang inisyal na imbestigasyon ng aviation police na walang maipakitang papeles o dokumento si Pulmano bilang permit o magpapatunay na legal ang pagdadala niya ng granada.
Ayon naman sa CAAP, mayroon silang kawani na nagngangalang Deogracias Pulmano, ngunit kasalukuyang inaalam pa ng mga ito kung saan si-ya nakadestino.
Tiniyak naman ni Manila International Airport Authority general manager Ed Monreal sa riding public at sa airport users na ginagawa ng MIAA ang lahat para maging ligtas ang naturang paliparan. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.