PALALAKASIN ni Philippine Lawn Tennis Association president Atty. Tony Cabletas ang grassroots program ng sport upang makatuklas na mga bagong manlalaro sa kanayunan na kakatawan sa bansa sa mga international tennis competition.
Kasabay nito ay sinabi ni Cabletas na pamumunuan niya ang asosasyon na ligtas sa politika.
“I will run my tennis programs free from politics. Politics has no place in my administration. Sports didn’t move forward because of politics,” sabi ni Cabletas.
“Back to normal na ang condition matapos ang dalawang taong inactivity dahil sa global pandemic. Panahon nang palakasin at bumalik ang normal na sigla sa tennis,” dagdag pa niya.
Aniya, maraming batang may potensiyal sa kanayunan at matutuklasan ang mga ito sa pamamagitan ng solidong grassroots program na sisimulan niya sa susunod na taon.
“Come and go ang mga manlalaro sa lahat ng sports. Hindi habambuhay maglalaro sila ng tennis. Darating ang panahon lilisanin nila ang tennis. Kailangan ay marami tayong pool of talents na papalit sa kanila,” paliwanag pa niya.
Sasabak ang mga Pinoy sa Southeast Asian Games at Asian Games at sa iba pang international tennis competitions sa susunod na taon.
Kumpiyansa si Cabletas mapananatili ng mga Pinoy ang kanilang record bilang medal producers sa SEA Games at bigyan muli ng karangalan ang bansa.
“Ipadadala natin ang mga magagaling na manlalaro na makatutulong sa medal campaign ng bansa sa SEA Games,” ani Cabletas.
Ang tennis ay kasama sa 40 sports na lalaruin sa Hanoi SEA Games sa Mayo sa susunod na taon. CLYDE MARIANO