GRAY SA GINEBRA, GOMEZ DE LIANO SA TERRAFIRMA

DALAWANG araw pa lamang ang nakalilipas magmula nang piliin si Javi Gomez de Liano sa PBA Season 47 Rookie Draft, naghiwalay na agad ng landas ang Barangay Ginebra at ang dating University of the Philippines playet.

Inanunsiyo ng PBA nitong Martes na inaprubahan ng Commissioner’s Office ang trade na magdadala kina Gomez de Liano at Brian Enriquez sa TerraFirma Dyip.

Bilang kapalit, mapupunta sa Gin Kings si Jeremiah Gray, ang second overall pick sa draft.

Si Enriquez ay naglaro ng pitong games para sa Ginebra sa 2021 PBA Governors’ Cup, at may average na 1.1 points, 0.6 rebound, at  0.7 assist per game.

Samantala, si Gray, dating Alab Pilipinas player, ay nagpapagaling pa sa ACL injury na kanyang natamo habang naglalaro para sa TNT Tropang GIGA sa PBA 3×3 Lakas ng Tatlo.

Inaasahang hindi pa siya makapaglalaro para sa nalalapit na Philippine Cup na magsisimula sa Hunyo.