GREEN CARD PUWEDE NA SA CITYMED

CITYMED

MAAARI nang gamitin ng mga residente ng Las Piñas ang kanilang mga “Green Card” na ipinamahagi ng lokal na gobyerno sa Las Piñas City Medical Center (CityMed) kung sakaling kinakailangan silang magpa-confine sa nabanggit na ospital.

Ang CityMed na matatagpuan sa Marcos Alvarez Ave., Barangay Talon Singko, Las Piñas City, ay ang bagong ospital na tumatanggap ng “Green Card” bukod pa sa mga naunang accredited hospital na Las Piñas Doctors Hospital (LPDH), Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila at ang San Juan De Dios Hospital sa Roxas Boulevard, Pasay City.

Ang mga nabanggit na ospital ay may mga coordinator na tutulong para sa pag-aayos ng kanilang mga kinakailangang dokumento upang mai-confine ang isang cardholder kung saan mayroon na ring ‘special ward’ para lamang sa mga pasyenteng may hawak ng “Green Card” sa LPDH at CityMed.

“Ang karagdagang ospital na may akreditas­yon sa “Green Card” ay magbibigay ng iba pang pagpipilian at kaluwagan sa konstituente ng Las Piñas na nangangailangan ng tulong medikal,” ani Aguilar.

Hindi lang ang pasyente na naka-confine sa ospital na may hawak ng “Green Card” ang mabibigyan ng tulong ng pangunahing programa ng Las Piñas na makababawas ng halagang P30,000 sa babayarang hospital bill ng isang pasyente kundi pati na rin ang iba pang mga miyembro ng pamilya kung sakaling ang mga ito ay ma-o-ospital.

Sa ngayon ay umaabot na sa may 200,000 mga taga-Las Piñas ang gumagamit ng “Green Card” na isang proyekto na napapailalim sa Mayor’s Office sa pakikipagtulungan ng City Social Welfare and Development Office.

Pinapalawak ang pagpoproseso ng pakikipag-negosasyon sa iba pang mga ospital sa lungsod para sa akreditasyon ng “Green Card”.    MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.