ANG Pilipinas ay may batas kaugnay ng pagtitipid ng enerhiya. Ito ay pinirmahan ng dating Pangulong Duterte noong 2019.
Pero kulelat tayo sa pagpapatupad nito. Maraming kompanya at LGU ang may limitadong pagtingin pa rin na ang tanging paraan upang makasunod sa batas na ito ay ang palitan ang mga CFL na ilaw at gawing LED, magkabit ng solar panels, at ipatay ang koryente kung hindi ginagamit. Wala namang problema sa mga ito, kaya lang, may iba pang paraan.
Kamakailan ay nalaman ko ang tungkol sa isang teknolohiya—hindi bago ngunit hindi pa kilala sa atin—na simple at abot-kaya ng bulsa.
Makatutulong ito upang bumaba ang konsumo ng enerhiya sa mga gusali, industriya, at mga komunidad. Ito ay ang Cool Roof Project at ito ay ang paglalagay ng natatanging “coating” sa bubong at mga panlabas na pader ng isang istruktura upang ‘di makapasok sa loob ang init ng araw. Magiging mababa ang temperatura sa loob ng istruktura kaya mababawasan ang paggamit ng aircon. Bababa ang konsumo ng koryente at mas mababa siyempre ang carbon na lalabas sa ating kapaligiran.
Sa maraming bansa, ang teknolohiyang ito ay bahagi na ng kanilang building code standard. Ngunit kahit naririto na sa Pilipinas ang teknolohiya, hindi ito ginagamit ng mga industriya, LGU, at pribadong kompanya dahil, una, maaaring hindi nila alam ang tungkol dito o, ikalawa, dahil takot sila sa malaking gastos.
Dito na papasok ang tinatawag na Green Finance. May ilang mga bangko dito sa bansa ang maaaring magpondo ng Cool Roof project sa pamamagitan ng tinatawag na climate loan. Hindi kinakailangang maglabas ng panibagong pondo ang isang organisasyon na nais magpatupad ng proyektong ito, dahil ang perang gagamitin sa pagbabayad ng loan ay ang halagang matitipid sa gastos sa kuryente o enerhiya. At ayon sa mga pag-aaral, ang halagang matitipid ay maaaring umabot ng 60%.
(Itutuloy)