GREEN FINANCE: TULONG PARA SA MGA ORGANISASYONG NAIS MAKATIPID SA KORYENTE

(Pagpapatuloy)
KAYA naman panalo na ang mga organisasyon at kompanya na yayakap sa Cool Roof project, makakasunod pa sila sa batas—ang ating Energy Efficiency and Conservation Act—at makatitipid din sa gastos. Higit sa lahat, panalo rin ang ating Inang Kalikasan.

Ngunit hindi pa riyan nagtatapos ang listahan ng mga bentahe: malaki ang kontribusyong maibibigay ng proyektong ito sa ating pandaigdigang aksiyon kaugnay ng climate change.

Ang ating pangako sa Paris Agreement ay 75% na pagbaba ng ating carbon emission sa taong 2030. Ayon sa mga pag-aaral, kung ang iba’t ibang mga industriya ay gagamit ng Cool Roof technology, maaaring bumaba ang carbon emissions ng hanggang 30 million metric tons.

Sa aking palagay, ang teknolohiyang ito—kasama na siyempre ang mga luma at bagong mga hakbangin at ideya kaugnay sa isyu ng climate change na nagmumula sa buong mundo—ay nararapat lamang na pag-aralan at isaalang-alang ng bawat bansa. May espesyal na responsibilidad ang Pilipinas sapagkat isa tayo sa mga lugar sa mundo na lubhang apektado ng pagbabago ng klima.

Matagal na nating alam na mayroon tayong climate emergency, kaya kailangan ang tulong ng lahat. Dapat laging bukas tayo sa mga teknolohiya at konseptong kagaya ng Cool Roof project, lalo na ang mga industriya at organisasyon na mayroong mga operasyong mabigat ang gamit ng enerhiya at carbon. Ang ating seguridad sa larangan ng enerhiya ay nasa kamay ng malalaking mga industriya at negosyong ito.
(Balikan ang unang bahagi ng kolum na ito na lumabas noong Lunes.)