GRIFFIN BINITBIT ANG PISTONS SA OT WIN VS SIXERS

NBA.jpg

NAGPASABOG si Blake Griffin ng career-high 50 points, kabilang ang game-winning three-point play, may 1.8 segundo ang nalalabi sa overtime, at naungusan ng Detroit Pistons ang bumibisitang Philadelphia 76ers, 133-132, noong Martes.

Naibuslo ni Griffin, na ang naunang career best ay 47 points, ang 20 of 35 field-goal attempts at 5 of 11 free-throw attempts. Nagdagdag siya ng 14 rebounds at 6 assists.

Nag-ambag si Reggie Jackson ng 23 points, gumawa si Ish Smith ng 21 mula sa bench at tumipa si Reggie Bullock ng 17 para sa Detroit. Nagposte si Andre Drummond ng 14 at 16 rebounds bago siya na-eject sa huling bahagi ng regulation makaraang tanggapin ang kanyang ikalawang technical foul.

Nakalikom si Joel Embiid ng 33 points, 11 rebounds at 7 assists, at tumabo si  JJ Redick ng 30 points, 6 rebounds at 6  assists para sa  Philadelphia.

Ang four-point play ni Redick ang nagbigay sa 76ers ng 132-130 bentahe, may 5.6 segundo ang nalalabi sa overtime bago sumagot si  Griffin.

NUGGETS 126, KINGS 112

Tumipa si Nikola Jokic ng 14 points at 12 rebounds sa loob lamang ng 23 minuto, umiskor si Jamal Murray ng 19, at dinispatsa ng host Denver ang Sacramento.

Nagdagdag si Gary Harris ng 18 points at kumamada si Paul Millsap ng 15 para sa Nuggets (4-0). Ang Denver ay nasa kanilang pinakamatikas na simula buhat nang  manalo sa kanilang unang limang laro sa 2009-10 season.

Tumapos si Marvin Bagley III na may 20 points at gumawa si Justin Jackson ng 17 points para sa Sacramento, na winakasan ang 1-2 road trip.

PELICANS 116, CLIPPERS 109

Tumirada si Anthony Davis ng 34 points at 13 rebounds nang rumolyo ang  host New Orleans sa pamamagitan ng panalo laban sa Los Angeles.

Nalimitahan ng Clippers ang Pelicans sa mas mababa sa 24 puntos na kanilang ave­rage sa pagwawagi sa kanilang unang dalawang laro, subalit umangat pa rin ang New Orleans sa 3-0 sa unang pagkakataon magmula noong 2010-11 season.

Nagdagdag si Elfrid Payton ng 20 points, at tumipa si Nikola Mirotic ng 18 points at 12 rebounds para sa Pelicans.

Nanguna si Tobias Harris para sa Los ­Angeles na may 26 points.

Comments are closed.