GRINGO HONASAN PASOK SA MAGIC 12 SA RPMD SURVEY

PUMUWESTO sa pang-10 sa senatorial survey ng RP Mission and Development Foundation Inc. (RPMD) si Independent candidate, dating senador at Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio “Gringo” Honasan II.

Ginawa ang survey mula Abril 17 hanggang 21, sa 10,000 respondents na tinanong nang harapan. Para sa national percentages, ang sampling error margin ay +/- 1%. Nakakuha si Gringo ng 43.2% na kagustuhan ng botante, na naglalagay sa kanya sa loob ng “Magic 12” sa numero 10.

Si Mark Villar (72.6 percent) ang nangunguna, kasunod si Antique Rep. Loren Legarda (67.1 percent), Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero (61.5 percent), broadcaster Raffy Tulfo (60.3 percent), dating House Speaker Alan Cayetano (53.8 percent) at Sen. Win Gatchalian (52.4 percent). Nasa 7th hanggang 12th places sina Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri (51.7 percent), dating Vice President Jejomar “Jojo” Binay (44.8 percent), actor Robin Padilla (43.6 percent), Gringo (43.2 percent), Sen. Joel Villanueva (37.5 percent), at dating Senador JV Ejercito (34.8 percent).

‘Nagpapasalamat tayo sa ating mga kababayan na nagtitiwala sa ating kakayahan at sa ating mga adhikain. Hindi ito bunga lamang ng ating puspusang pangangampanya, kundi patunay na rin na ang ating mga minamahal na kababayan ay handang handa na tumugon sa ating hamon na Magtulungan para sa Bayan. Saludo po ako sa inyo!’ayon kay Honasan na tumatakbo sa kanyang ikalimang termino sa Senado matapos hawakan ang DICT Secretary.

Isinusulong ni Gringo ang mga batas na sisuguro sa Kalusugan, Kabuhayan at Kaligayahan o KKK.

Sa Kalusugan, plano nitong palawigin ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act, na kanyang iniakda sa kanyang nakaraang termino sa Senado na nagsasagawa ng feeding programs sa public schools sa buong bansa.

Sa Kabuhayan, hinahangad niyang pagbutihin ang mga kakayahan sa ICT ng ating mga manggagawa sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang mga pagsasanay sa ICT upang matiyak ang kanilang pagiging mapagkumpitensya sa pandaigdigang ekonomiya at sa pamamagitan ng pagtaas ng bilis ng internet sa bansa at pagbibigay sa mga pampublikong paaralan ng libreng wifi, laptop at tablet para sa online na pag-aaral–na dati niyang itinatag sa DICT sa kanyang termino.

Para pangalagaan ang ating Kaligayahan, sisikapin ni Honasan ay na gawing priyoridad ang pagpasa ng batas na naglalayon ng kapayapaan at kaayusan, tulad ng National CCTV Roll-Out na nilagyan ng mga camera na may facial recognition at ang pagpapatibay ng Self-reliant Defense Posture.

Si Gringo, ang unang independiyenteng kandidato sa kasaysayan ng Pilipinas na nanalo ng puwesto sa Senado, ay tumatakbong senador bilang independiyenteng kandidato na adopted candidate ng PDP-Laban, BBM-Sara Uniteam at ng Lacson-Sotto tandem.