GRIZZLIES NILAPA ANG BUCKS

SA LIKOD ng triple-double mula kay Ja Morant, kumarera ang Memphis Grizzlies sa ika-7 sunod na panalo sa dominating 142-101 home victory kontra Milwaukee Bucks Huwebes ng gabi.

Sa larong umabante ang Grizzlies ng 46 puntos papasok sa fourth quarter, tumapos si Morant na may 25 points, 10 rebounds at 10 assists para sa kanyang ikatlong triple-double sa season. Naging unang player siya sa franchise history na may triple-double bago ang simula ng fourth quarter.

Nagdagdag si Dillon Brooks ng 18 points, 4 assists at 3 rebounds. Nakalikom si Steven Adams ng 10 points, 6 rebounds at 5 blocks.

Nanguna si Giannis Antetokounmpo para sa Milwaukee na may 19 points, 6 rebounds at 5 assists. Nagdagdag si Bobby Portis ng 19 points at 7 rebounds, habang umiskor si MarJon Beauchamp ng 12 points.

Jazz 132, Pelicans 129 (OT)

Nagbuhos si Jordan Clarkson ng 39 points at nag-ambag si Lauri Markkanen ng 31, kabilang ang pares ng clutch free throws, upang iangat ang Utah sa overtime win kontra New Orleans sa Salt Lake City.

Kumabig si Malik Beasley ng 17 points at nagposte si Kelly Olynyk ng 14 points at 7 rebounds para sa Utah na nakopo ang ikalawang home win sa tatlong gabi kontra Pelicans.

Nakakolekta si Zion Williamson ng 31 points, 8 rebounds at 8 assists at nagpasabog si C.J. McCollum ng 28 points para sa Pelicans, na pumasok sa laro na may seven-game winning streak.

Suns 111, Clippers 95

Kumana si Mikal Bridges ng 27 points at nagdagdag si Chris Paul ng 15 points at 13 assists para tulungan ang bisitang Phoenix na putulin ang five-game losing streak sa panalo sa short-handed Los Angeles.

Umiskor si Devin Booker ng 14 points sa kanyang pagbabalik sa aksiyon para sa Suns na nanalo sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa walong December games. Nagsalansan si Jock Landale ng 15 points at 10 rebounds, at nagdagdag si fellow reserve Josh Okogie ng 11 points at 11 rebounds.

Kumamada si Terance Mann ng season- highs 22 points at 11 rebounds para sa Clippers, at nag-ambag si Brandon Boston Jr. ng 16 points para sa Los Angeles na naglaro na wala sina Kawhi Leonard (rest), Paul George (knee soreness), Luke Kennard (calf), Reggie Jackson (Achilles), Ivica Zubac (knee) at Norman Powell (groin).