ISANG offensive rebound at free throw ni Jonas Valanciunas, may 0.1 segundo ang nalalabi sa overtime, ang naging tuntungan ng host Memphis Grizzlies upang malusutan ang Houston Rockets, 126-125, noong Miyerkoles.
Nagbuhos si Valanciunas ng career-high 33 points at 15 rebounds at nakipagtuwang kay Mike Conley (35 points, 8 assists) upang tulungan ang Memphis na makaalpas kay James Harden at sa Rockets.
Nanguna si Harden para sa Rockets na may game-high 57 points, kabilang ang 18 sa fourth quarter at 8 points sa 28-second stretch sa overtime.
Napigilan ng Memphis ang four-game season series sweep ng Houston, na nalasap ang ikatlong kabiguan pa lamang magmula noong All-Star break. Naipasok ni dating Rockets forward Chandler Parsons ang dalawang 3-pointers sa overtime upang mapanatili ng Grizzlies ang kontrol sa kabila ng pananalasa ni Harden.
76ERS 118,
CELTICS 115
Tumipa si Joel Embiid ng 37 points at career-high 22 rebounds at nasupalpal si Kyrie Irving sa krusyal na sandali nang mapigilan ng host Philadelphia ang season sweep ng Boston.
Naitala ni Jimmy Butler ang 15 sa kanyang 22 points sa fourth quarter para sa 76ers, na nanalo ng anim na sunod sa overall. Naiposte ni Irving ang 16 sa kanyang 36 points sa first quarter para sa Celtics, na kinapos sa Philadelphia sa ikatlong pagkakataon pa lamang sa nakalipas na 20 regular-season meetings ng dalawang koponan.
Umiskor si Al Horford ng 22 points at nagdagdag si Terry Rozier ng 20 points mula sa bench para sa Boston.
RAPTORS 123,
THUNDER 114 (OT)
Nagbuhos si Pascal Siakam ng 33 points at humugot ng 13 rebounds upang pangunahan ang Toronto sa overtime win laban sa Oklahoma.
Nadominahan ng Raptors ang extra session, kung saan na-outscore nito ang Thunder, 13-4, makaraang makahulagpos ng 19-point, second-half lead. Hindi nakaiskor ang Oklahoma City sa extra period hanggang sa huling 31.5 segundo.
Naitala ni Kawhi Leonard ang lima sa kanyang 22 points sa overtime, at tumapos si Fred VanVleet na may 23 points para sa Raptors.
Sa iba pang laro ay nasingitan ng Cavaliers ang Bucks, 107-102; pinaso ng Heat ang Spurs, 110-105; dinurog ng Magic ang Peli-cans, 119- 96; ginapi ng Bulls ang Wizards, 126-120 (OT); namayani ang Trail Blazers sa Mavericks, 126-118; at tinambakan ng Jazz ang Knicks, 137-116.
Comments are closed.