GRIZZLIES UMESKAPO SA TIMBERWOLVES

ISINALPAK ni Memphis star Ja Morant ang game-winner, may 18.6 segundo ang nalalabi, upang ibigay sa Memphis Grizzlies ang 127-125 panalo laban sa Minnesota Timberwolves sa tension-packed NBA shootout.

Si Morant, naglalaro sa kanyang ikalawang game magmula nang bumalik mula sa shoulder injury, ay umiskor ng modest 12 points at nagmintis sa lahat ng kanyang apat na three-point attempts.

Subalit umiskor siya noong kailangang-kailangan ito, nag-drive para sa layup na naglagay sa talaan sa 125-125, may 54.1 segundo ang nalalabi, at matapos ang steal ng Grizzlies, ay muling nag-drive at bumanat ng isang floater laban kay Minnesota center Rudy Gobert upang makumpleto ang paghahabol ng Grizzlies mula sa 6- point deficit, wala nang limang minuto ang nalalabi.

Sumablay si Anthony Edwards ng Minnesota sa isang awkward three-point attempt habang paubos ang oras.

Umiskor si Jaren Jackson Jr. ng 33 points at nagdagdag si Desmond Bane ng 21 para sa Grizzlies, na nangibabaw sa mainit na duelo na tinampukan ng 25 lead changes.

Nanguna si Donte DiVincenzo para sa Timberwolves na may 27 points at 10 rebounds. Tumipa si Jaden McDaniels ng 21 points, gumawa si Naz Reid ng 19 mula sa bench at nagdagdag si Edwards ng 15.

Sa Detroit, kumamada si Cade Cunningham ng 23-point triple-double upang pangunahan ang Pistons sa bounce-back victory, 123-114, kontra Toronto Raptors.

Nagdagdag si Cunningham ng 10 rebounds at 17 assists para sa Pistons, na bumalik sa win column — at umangat sa 20-19 — dalawang araw makaraang putulin ang kanilang five-game winning streak ng Golden State Warriors.

Nakakolekta si Tim Hardaway Jr. ng 27 points para sa Detroit at ipinasok ng Pistons ang 19 sa kanilang 33 three-point attempts.

“We just needed this win bad,” ani Cunningham. “We got to .500 and we didn’t want to go back under. We wanted to keep rolling and get another streak going.”

Umiskor si Immanuel Quickley ng 25 points upang pangunahan ang pitong players sa double figures para sa Raptors, na nagbanta sa league-leading Cleveland bago yumuko sa Cavaliers noong Huwebes.

Samantala, nagbuhos si Devin Booker ng 34 points upang pangunahan ang Phoenix Suns sa 114-106 home victory laban sa Utah Jazz.

Nagdagdag si Kevin Durant ng 25 points para sa Phoenix, na umabante ng hanggang 16 tungo sa kanilang ikalawang sunod na panalo.

Nagposte si Lauri Markkanen ng 24 points upang pangunahan ang Jazz, na lumapit sa tatlong puntos sa kaagahan ng fourth quarter subalit walang nagawa nang lumayo ang Suns.