GROCERY DISCOUNTS SA SENIORS TAASAN – TULFO

IPINAGPALAGAY na insulto umano ang katiting na diskwento sa mga grocery items at pagbitbit ng purchase booklet ng mga senior citizen, ayon kay ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo.

Sa isang local radio interview sinabi ng mambabatas, “ P65 lang ang maaring makuhang discount ng mga senior kahit magkano pa ang total grocery bill nila”.

“Para namang binigyan mo lang ng limos sina lolo or lola nyan…malaking insulto!”, ayon pa sa House Deputy Majority Floor leader.

Hindi rin natutuwa ang mambabatas na kailangan pang palaging dalhin ng mga senior ang kanilang issued purchase o discount booklet para mabigyan ng discount sa grocery stores.

“Ang problema, dahil senior na nga at may mga senior moments, nakalalimutan ang booklet, kaya walang discount na makukuha ang mga ito pagdating sa cashier”.

Ayon kasi sa Senior Citizens Act, P1,300 lang ang halaga na pwedeng i-grocery ng mga senior kada linggo at 5 percent lang ang ibibigay na discount sa kanila.

Dahil dito maghahain ng panukalang batas si Tulfo at mga kasama na sina Rep. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo upang marebisa ang naturang batas.

Ayon kay Cong. Jocelyn Tulfo, “hindi na angkop ang nasabing discount sa mga panahong ito dahil mataas na ang bilihin”.

Dagdag naman ni Rep. Edvic Yap, “ it’s high time na madagdagan ang discount nila at alisin na itong mga booklet tuwing bibili sila”.

“Yang booklet na yan parang pinagdududahan pa ang senior na manloloko o abusuhin ang kanyang pribilehiyo”, hirit ni Yap.