GROSS INCOME TAXATION SYSTEM PANLABAN SA KORUPSIYON–DUTERTE

Pangulong Rodrigo Duterte-3

PLANO ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipa­tupad ang isang gross income taxation system para sa computation ng corporate taxes upang mabawasan ang korupsiyon sa gobyerno.

Iginiit ni Pangulong Duterte na ang pagpalit sa net income tu­ngong gross income ay makakapigil sa korupsiyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

“Gusto ninyong mahinto ang corruption? O ito, tanggalin natin ang neto [net icome] at pupunta tayo doon sa gross sa BIR. ‘Pag ‘yan ang isunod natin kagaya ng Hong Kong, Singapore, Brunei, and the rest, you would have removed about 70 percent of the corruption,” giit ng Pa­ngulo sa kanyang talumpati  sa Bataan.

Aniya, kung ang gross income taxation system ang gagamitin sa computation ng corporate taxes ay hindi na kakailanganin pa ang tax examiners.

“I guarantee you, ‘pag pumunta tayo ng gross wala na examiner, wala ng deduction then they do not haggle for anything. ‘Pag nandiyan ‘yung resibo, ‘yan na ‘yun. Wala ng istorya,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi pa ng Pa­ngulo, ang tax examiners ang nakikinabang sa kasalukuyang sistema ng corporate tax collection.

Naniniwala ang Pangulong Duterte na kapag sinunod ang ganitong sistema tulad sa ibang bansa, 70 porsiyento ng korupsiyon sa gobyerno ang maiaalis.

Comments are closed.