NAIS ni Pangulong Rodrigo Duterte na baguhin ang sistema ng pagbubuwis sa bansa sa paniniwalang ito ang pinakamatibay at pinakamabilis na solusyon para masugpo ang korupsiyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ipinanukala ni Presidente Duterte ang gross income taxation system laban sa net tax collection na, aniya, ay makatutulong upang mawakasan ang korupsiyon sa pamahalaan.
Dismayado ang Chief Executive sa umano’y hindi masugpong katiwalian sa ahensiya kaya ipinasusulong nito kay Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III ang gross taxation system.
“I said I will propose it, ito, malinis ito, wala itong itinatago na anupaman. Pagka-gross ka, kung ano ‘yung nasa resibo, ‘yun na yon,” pahayag ng Pangulo na unang nagpahiwatig na susunod niyang lilinisin ang BIR mula sa katiwalian.
“Computing tax dues based on a flat tax was simpler and less prone to corruption than the net tax system which would include deductible expenses subject to review by revenue examiners. Kasi kung maghingi ka pa ng neto, idagdag mo pa ‘yung ima-minus-minus at saka ‘yun ang bayaran mo, effectively you would have eliminated ‘yung examiner. Wala na ‘yan, wala nang trabaho ‘yan. Dito ka sa neto, eh kasi may mga ano-ano pang, bayaran, exemption, ganun,” paliwanag ng Pangulong Digong.
Ayon sa Pangulo, ang gross taxation system ay ginagamit ngayon ng mga bansang Singapore, Hong Kong at Japan at naging matagumpay ito kaya tumaas pa nang tumaas ang kanilang tax collections.
Ang BIR ay isa sa itinuturing na corrupt agencies sa bansa, kasama ang Bureau of Customs (BOC), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Si BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay ay ‘under fire’ umano dahil sa sunod-sunod na katiwaliang nabubunyag na kinasasangkutan ng top revenue officials na nagbunsod upang isailalim sa lifestyle check ang mahigit 100 key officials ng kawanihan.
Si Commissioner Dulay ay nasa official leave at kasalukuyang nasa Amerika at inaasahang babalik siya sa bansa sa Setyembre 26, 2019.
Sina BIR Deputy Commissioners Arnel Guballa, Celia King at retired BIR Deputy Commissioner for Operations Nestor Valeroso ay kabilang sa short lists na umano’y pinagpipilian ni Presidente Duterte para ipalit kay Dulay na umano’y maraming ulit nang humiling sa Chief Executive na tuluyang magretiro sa serbisyo dahil sa edad niyang 73.
Habang wala sa bansa si Dulay, si DepCom King ang officer-in-charge ng BIR.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.