BUKOD sa paglalatag ng karagdagang seguridad para sa Kapaskuhan, mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang ground security bunsod ng mga nakaambang kilos protesta kaugnay sa bantang impeachment case laban kay VP Sara Duterte.
Una nang inihayag ng PNP na mas pahihigpitin ang security operations ng pambansang pulisya ngayon Kapaskuhan.
Subalit, pinaghahandaan din ng PNP ang mga maaari pang ikasang rally na may kaugnayan sa nararanasang political tension sa bansa dala na rin ng impeachment cases na inihahain kontra kay VP Sara.
Sa inilabas na pahayag ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, ang paghihigpit ng seguridad ay para umano sa kaligtasan ng publiko at para maiwasan ang mga hindi inaasahang krimen sa lansangan.
Ayon pa kay Marbil, ito rin ay para sa planong mga kilos protesta ng ilang mga grupo sa nagpapatuloy na usapin sa impeachment.
Samantala, inihayag naman ni Assistant Director General Jonathan Malaya na sinasakyan din ng mga militanteng grupo at kanilang mga political parties ang nagaganap na political situation sa bansa para sa kanilang pansariling interes.
Aniya, nakikisawsaw umano ang mga militanteng grupo para makakuha ng media mileage kaugnay sa magaganap na 2025 midterm election.
Maging ang umanong panggugulo ng mga raliyista at pananakit sa hanay ng mga pulis ay politically motivated para palabasin na may umiiral na kaguluhan sa bansa.
Dagdag pa nito, ang kanilang pagkilos na suportahan ang paghahain ng impeachment complaints laban kay VP Sara ay pansariling interest para sa kanilang political propaganda habang sinisiraan ang administrasyon Marcos na tutol sa nasabing hakbang laban sa pangalawang pangulo.
VERLIN RUIZ