HINDI matutuloy ang groundbreaking para sa P735-billion New Manila International Airport sa Bulakan, Bulacan ngayong buwan dahil sa mga isyu sa kontrata, ayon sa San Miguel Corporation (SMC).
“May mga bago na namang issue daw. Mayroon na namang tinatanong na kung ano-ano,” wika ni SMC president and COO Ramon Ang sa sidelines ng pagbubukas ng Alabang-Skyway viaduct noong Linggo.
Ayon sa San Miguel chief, nakatanggap si Transportation Secretary Arthur Tugade ng liham na nagsasaad ng concerns sa kontrata ng airport project.
“May ipinadala na sulat sa kanya… Delayed na ‘yung groundbreaking dahil on hold,” ani Ang.
Sinabi ni Tugade na ang mga isyu na inilatag ni Finance Sec. Carlos Dominguez III hinggil sa kontrata ay hindi ‘major concern’.
“It’s an issue of wordings and interpretation, kaya isinama sa Department of Justice review,” anang Transport chief.
“Itong ‘yung MAGA (material adverse government action) and liability cap,” dagdag pa ng kalihim.
Gayunman ay binigyang-diin ni Tugade na hindi tumututol si Dominguez sa proyekto.
Aniya, nais lamang nitong makita ang sinasabing pabor sa gobyerno ang proyekto.
Noong Agosto 14 ay pormal na iginawad ng Department of Transportation (DOTr) ang kontrata sa pag-tatayo at pagpapatakbo sa Bulacan airport project sa San Miguel Holdings Corp. , ang infrastructure unit ng SMC. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.