GROUNDBREAKING NG SUPER HEALTH CENTER SA COMPOSTELA

DAVAO DE ORO- BILANG patunay na tinutupad ng pamahalaan ang pagbibigay ng sapat na access para sa healthcare services at pagtatatag ng marami pang public health facilities sa mga rural areas, isang groundbreaking para sa pagtatayo ng Super Health Center (SHC) ang isinagawa nitong Sabado sa Compostela kasabay ng pamamahagi ng ayuda ni Senador Christopher ‘Bong’ Go sa lalawigang ito.

Si Go, chariman ng Senate Committee on Health and Demography ay kumpiyansa na matutulungan ng pamahalaan ang mga problemadong Pinoy sa pamamagitan ng pagtatayo ng SHC.

“Isinulong ko po talaga ang pagpapatayo ng mga Super Health Centers sa buong Pilipinas dahil alam ko po kung gaano kailangan na mapalapit sa tao, lalo na sa mga mahihirap, ang serbisyong medikal mula sa gobyerno,” ayon kay Go.

“Yung mga nasa probinsiya po, lalo na yung mga nasa isla at malalayong lugar, yun po ang target na tayuan ng mga Super Health Centers. Para po masiguro na hindi na po nila kailangan bumyahe at gumastos ng malaki para lang makapagpa-ospital,” dagdag ni Go.

Una nang inihayag ni Go na naglaan ang pamahalaan ng sapat na pondo sa ilalim ng 2022 Health Facilities Enhancement Program para sa pagtatayo ng 307 Super Health Centers sa buong bansa.

Itinulak din ni Go na mabigyan ng pondo ang SHCs sa ilalim ng 2023 national budget.

“Ang Department of Health po ang strategically nag-identify kung saan dapat ilagay tapos ang pondo ay idadaan sa LGU (local government unit) para mag-implement at mag-facilitate sa construction po ng Super Health Centers sa kanilang lugar,” paliwanag ni Go.

Umapela rin si Go sa mga concerned officials at local government uunit maging mahusay at matibay ang itatayong Super Health Center makaraan ang pagkakatala ng 6.0 magnitude earthquake sa Compostela, Davao de Oro nitong Pebrero 1.

“May standards naman po ang structure ng mga building at itong SHC ay pwede i-improve pa ng LGU. May mga building permits po ‘yan bago nila itatayo at trabaho po ng ating mga building officials na tingnan nang mabuti kung nasusunod ba ‘yung kailangang standard,” ani Go.

“Pero ako po’y nananawagan sa ating mga building officials na siguraduhing pasado po ito sa standard at safe po ito.

At apela ko po sa ating DOH, as the lead implementing agency ng Super Health Center program, kindly monitor closely the construction ng mga Super Health Centers nationwide,” hiling ng senador.

“Unang-una ligtas ‘yung mga pasyente, kaya nga po importante na gamutin sila. Kaya dapat safe po sila habang nasa loob sila ng mga Super Health Center,” dagdag ni Go.