GROUNDBREAKING PA NG SUPER HEALTH CENTER SA TANGALAN, AKLAN

PERSONAL  na dinaluhan ni Senador Bong Go ang groundbreaking ng Super Health Center sa Tangalan, Aklan nitong Enero 21 bilang pagpapaigting sa adbokasiya nito na mapagbuti sa sektor pangkalusugan at magtatag ng maraming health facilities para sa mga Pilipino.

Sinabi ni Go na umaasa siya na ang estratehikong inilagay na Super Health Centers ay magbibigay-daan sa mas maraming mahihirap na Pilipino na makakuha ng mahahalagang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, lalo na sa mga rural na lugar.

Apat na Super Health Center sa Kanlurang Visayas ang nag-groundbreaking sa parehong araw kung saan si Senator Go ang naging panauhin kasama ang kani-kanilang mga lokal na opisyal.

“Sa pag-iikot ko sa bansa, napansin ko na kakaunti lang talaga ang ating health facilities, lalo na sa maliliit at malalayong mga lugar. Minsan po yung iba ay nanganganak na lang sa tricycle dahil sa layo ng ospital,” ani Go.

“Huwag sana natin hayaan na mangyari pa yon. Kaya talagang isinusulong ko ang pagkakaroon ng Super Health Centers. Pinili at inilagay ito ng DOH sa strategic areas. Pagkatapos nito, it will be managed and it will be turned over na sa local government unit,” dagdag ni Go.

Ang senador ay naging instrumento sa pagsusulong sa budget para sa Tangalan Super Health Center at sa marami pang centers sa bansa.

“Kaya naman bilang inyong Senate Committee Chair ng Health, nananawagan po ako na ipagpatuloy lang natin ang pagbibigay ng mas maayos na healthcare access sa ating mga kababayan, lalong-lalo na po sa mahihirap. Yung walang matakbuhan, yung mga helpless at hopeless, sila ang dapat unahin,” ayon pa rito.

Pinasalamatan din ni Go ang local officials sa pangunguna ni Gov. Joen Miraflores, First District Rep. Carlito Marquez, Second District Rep. Nonong Haresco, Tangalan Mayor Gary Fuentes at Vice Mayor Gene Fuentes sa pagsuporta sa kanilang nasasakupan at pagtatatag ng Super Health Centers.

Matapos ang groundbreaking, si Go at kanyang team ay nagsagawa ng relief operation sa Tangalan Sports Complex kung saan sila namigay ng food packs, masks, vitamins sa 1,900 magsasaka sa lugar.

Nagbigay rin ng tulong sa mga magsasaka ang mga kinatawan ng Department of Agriculture.

Hinimok nito ang mga residente na lumapit sa Malasakit Center sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital sa Kalibo sa medical assistance.