INILATAG ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang groundwork para sa makasaysayang pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ngayong weekend sa United States (US) para makipagpulong kay Pangulong Joe Biden at iba pang opisyal ng US.
Ilang araw bago ang pagbisita ni Pangulong Marcos, nagsimula ang Speaker ng dalawang linggong paglalakbay sa US upang makipagpulong sa mga mambabatas ng Amerika at talakayin ang kooperasyon sa depensa at seguridad at economic partnership sa pagitan ng Pilipinas at US.
“I think the conditions are right for the meeting between President Bongbong Marcos and President Joe Biden. We have high hopes for the exchange of ideas between the two leaders and its outcome,” ani Speaker Romualdez.
Nasa US pa ang lider ng Kamara, kasunod ng kanyang naunang interaksiyon sa kanyang US counterpart, na si Speaker Kevin McCarthy at iba pang American lawmakers at opisyal ng US.
Nakipagpulong din ang Speaker at ang kanyang delegasyon kina US House Majority Leader Steve Scalise, at Representatives Young Kim, Mike Rogers, Darrell Issa, Ami Bera, at Chris Stewart.
Tinawag din ni Speaker Romualdez na makasaysayan at naging mabunga ang kanyang pulong sa Speaker ng US House of Representatives.
Nabatid na ito ang unang pulong sa pagitan ng dalawang House Speakers ng dalawang bansa sa nakalipas na mga taon.
Sinabi ni Romualdez na bunga ng pulong ang patuloy na pagpapalakas sa relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos kabilang na rito ang security alliance at economic partnership ng dalawang bansa.
Aniya, nagkasundo sila ng US lawmakers na palakasin ang komunikasyon, kooperasyon at koordinasyon sa pagitan ng kanilang institusyon.
“Our meeting proved fruitful as the Philippine delegation managed to impress on Speaker McCarthy the need for the legislative representatives of the two countries to ramp up discussions on how to further boost US-Philippine relations,” ani Speaker Romualdez.
“Relations between our two countries remain strong. Our security alliance under the 1951 Mutual Defense Treaty is ironclad. Our economic partnership is robust. And the friendship between our two peoples is solid,” aniya pa.
Bilang defense ally ng bansa, mula 2002 hanggang 2021 ay nakatanggap na ang Pilipinas ng nasa US$1.8 bilyon mula sa Amerika para sa defense modernization, maritime security, counter terrorism at iba pa.
Gayunman, sinabi ni Romualdez na bukod sa matatag na defense partnership, nais din nilang mapalakas din ang relasyong pang-ekonomiya ng dalawang bansa.
Hinikayat ng grupo ni Romualdez ang mga opisyal at Estados Unidos na dagdagan at palawakin pa ang pamumuhunan ngayong malakas ang ekonomiya ng bansa.