NAGBABALA ang Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) sa publiko laban sa sinumang gumagamit sa pangalan ng First Family o ng Malacañang sa mga maling pamamaraan tulad ng pangingikil at panggagantso.
Ang pahayag ng CIDG-NCR ay inilabas matapos malambat sa isang entrapment operation sa Pasay City kamakailan ang isang pangunahing suspek at ang kanyang mga kasabwat dahil sa robbery-extortion gamit ang pangalan ni First Lady Liza Marcos.
“Babala lang po sa mga kababayan natin, lalong-lalo na ‘tong gumagamit sa pangalan ng ating First Lady o sa Malacañang, na mag-ingat … Kilalanin ‘yung mga taong ito kasi wala hong katotohanan ‘yung pinagsasabi nila na nanghihingi ng pera o anuman ang ating First Lady Liza Marcos,” ayon kay P/Lt. Col. Jose Joey Arandia ng CIDG-NCR.
Naglabas na rin ng pahayag ang Palasyo na hindi kailanman nakikialam ang First Lady sa mga bagay na may kinalaman sa pamamahala at pananagutin sa batas ang sinumang gumagamit sa kanyang pangalan.
Napag-alaman na tinatakot ng grupo ang mga negosyante sa nasabing lungsod na ipapasara ang kanilang mga establisyemento kung hindi magbibigay ng pera.
Ipinagmamalaki rin umano ng mga nahuling suspek na konektado sila sa opisina ng First Lady.
Sa operasyon ng CIDG-NCR, ginamit nito ang isang businessman complainant upang mag-abot ng marked money sa lider ng grupo kung kaya nasakote ang mga ito.
Nasa limang milyong piso ang napagkasunduang halaga.
Ang mga suspek ay kinilala sa kanilang mga alyas na “Isko”, 48; “Joselito”, 46; at “German”, 42.