(Grupo ng drivers at operator nagsanib) MALAWAKANG TRANSPORT STRIKE ILULUNSAD

NAGBABALA ang mga driver at operator na naghahanda ito para sa isang mas malaking transport strike makaraang ihayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na sa Disyembre 31 na ang deadline ng consolidation para sa public utility vehicle modernization program na kung saan ay non-negotiable na.

Sinabi ni Transport group Manibela president Mar Valbuena na posible ang joint transport strike sa isa pang transport group, ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide.

Aniya, posible ang joint transport strike dahil nagpahayag na nais sumali ang ibang transport groups hindi lang ang PISTON.

Pinuna rin nito ang posisyon ni Bautista na huwag palawigin ang deadline sa Disyembre 31 para sa mga public utility jeepney (PUJ).

Dapat din aniyang tanungin ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang mga pasahero sa epekto ng phaseout sa mga commuter.

Binanggit din ng mga miyembro ng Manibela na plano nilang pumunta sa kani-kanilang probinsiya at itigil na ang pamamasada sa gitna ng pag-aalala na kanilang naranasan dahil sa usapin ng modernization.

Sinabi naman ni Valbuena, kinukumbinsi pa rin nito ang mga miyembro ng Manibela na huwag nang ituloy ang planong pagpapahinto ng kanilang jeepney operation.
EVELYN GARCIA

LIBRENG SAKAY
MAGPAPATULOY
SA MGA
APEKTADONG LUGAR
MAGPAPATULOY ang pagbibigay ng libreng sakay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at sa pakikipag-ugnayan nito sa mga lokal na pamahalaan sakaling maapektuhan ng transport strike.

Ayon sa LTFRB, nakikipag-ugnayan na nito sa mga local government units (LGU) para mag-alok ng libreng sakay na magsisilbing standard operating procedure (SOP) para sa pagbibigay ng libreng serbisyo sa mga commuter.

Hindi naman pinipigilan ng LTFRB ang pakikilahok sa mga transport strike subalit, hinimok ng ahensiya ang mga driver at operator na payagan ang mga ilang jeepney driver na gustong kumita ng kanilang ikabubuhay sa araw ng protesta.

Dahil dito, hiniling ng LTFRB sa Philippine National Police (PNP) na tiyakin ang kaayusan at pigilan ang pangha-harass ng mga nagpoprotesta sa mga jeepney driver na hindi makikilahok. PAULA ANTOLIN