GRUPO NG MAGSASAKA NAGTATAKA SA PAGTAAS NG PRESYO NG GULAY SA METRO MANILA

NAGTATAKA  ang grupo ng magsasaka na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa paggalaw ng ilang presyo ng gulay sa Metro Manila gayong wala naman maaaring maging dahilan ng pagtaas ng P20 hanggang P40 kada kilo ng ibang gulay sa merkado.

Ayon kay Rosendo So, chairman ng SINAG, wala silang nakikitang dahilan para tumaas ang presyo ng mga gulay dahil wala namang problema sa ani.

Iniulat na tumaas ang presyo carrots, kalabasa, bell pepper, Baguio beans at kamatis.

“Yon naman ang dapat bantayan. Bakit tumataas ang gulay.Pero so far kasi yung mga ani natin wala naman masyadong problema.So ‘yun ang tinitingnan pa rin natin bakit dito sa Metro Manila e tumataas ang gulay,” sabi ni So.

Dagdag pa niya wala rin silang nakikitang problema sa supaly ng bigas na aabot pa ng 80 araw batay pa sa kanilang monitoring. Aniya, posibleng nagkakaroon lamang ng problema sa biyahe ng bigas ngayong maulan.

“Ang stocks ng ating monitoring, may mga 80 days pa tayong stocks.Wala tayong nakikitang rice shortage,” sabi ni So.

Paliwanag naman ni DA Spokesperson and Assistant Secretary Arnel de Mesa, inaasahan naman nilang unti unti ng bababa ang presyo ng mga gulay sa merkado dahil nagsimula na ang anihan. Nakakaapekto pa rin umano sa produksyon ang mga nagdaang kalamidad ganoon din ang pabago bagong panahon.

Tiniyak ni De Mesa na asahan na ang pagbaba ng presyo ng gulay sa linggong ito sa Metro Manila lalo anya at nagsimula na ang anihan sa Southern Tagalog region.Bababa rin ang presyo nito dahil sa inaasahang mabilis na cycle ng produksyon ng gulay.

Noong Martes, Hulyo 9, ang presyo ng mga kamatis sa Metro Manila ay umabot na sa P140 hanggang P220 kada kilo, mas mataas kaysa sa hanay ng presyo dalawang linggo na ang nakalipas na itinakda sa P90/kg. sa P160/kg.

Ang iba pang produktong pang-agrikultura na tumataas ang presyo ay mga carrots na mula P100/kg. hanggang P180/kg. Sa talong naman ay mula P60/kg. ay naging P120/kg., at ang bell pepper ay nasa P200/kg. sa P350/kg.

Iniugnay ni De Mesa ang pagtaas ng presyo sa pagkaantala ng ani dahil sa ilang dahilan tulad ng pabago-bagong panahon, epekto ng Bagyong Aghon at pinsalang dulot ng El Niño phenomenon sa agrikultura.

Samantala ang presyo naman anya ng ilang gulay anya tulad ng repolyo ay apektado naman sa layo ng pinanggagalingan nito. Ang iba ay manggagaling pa sa Benguet, Baguio, at Southern Tagalog.

Nauna rito, sinabi ng DA na kabuuang P510.447 milyon na tulong ang ibibigay sa 160,000 crop. Ganoon din sa livestock, at poultry farmers na nagmamay-ari o umuupa ng makinarya. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia