NANGANGAMBA si Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Executive Director Jason Cainglet na baka hindi na magtanim ng palay ang mga magsasakang Pilipino sakaling tuluyan nang maapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka dulot ng pagpapatupad ng Executive Order Number 62 na nagtatapyas ng taripa sa mga imported na bigas at iba pang produktong pang agrikultura.
Sinabi ni Cainglet na noong inanunsiyo pa lang na babaan ang taripa ng imported na bigas at mga produktong pang agrikultura 15 % mula sa 35% hanggang sa taong 2028, ay bumagsak na ang farm gate price ng palay, dahil sa pagdagsa ng imported na bigas na kokompetensya sa mga lokal na produksyon ng mga Pilipinong magsasaka.
Ayon sa Chairman ng SINAG na si Rosendo So, umabot sa P5 na kada kilo ng palay ang ibinaba ng farm gate price nitong Linggo.
Sakaling dumating na ang anihan ngayong taon at hindi na talaga tataas ang farm gate price ng palay, tiyak aniyang malulugi ang mga magsasaka.
“Talagang ang ikinakatakot dito baka next year kung wala ng kikitain ulit ang ating mga farmer.Baka wala na pong magtanim ng palay. Kaya natin hinabol sa Korte Suprema na huwag pong ituloy itong Executive Order Number 62,” sabi ni Cainglet.
Kasabay nito iginiit ni Cainglet na hindi kinonsulta ang mga stakeholder bago nilagdaan ang EO No. 62.
“Lumalabas po sa pagdinig na ito ay napag isipan at na-discuss lamang noong June 3 among the NEDA (National Economic Development Authority) board members.Ibig sabihin sila sila, hindi stakeholders ang kausap.Kundi ito ay napag usapan at napagkasunduan sa isang NEDA Board meeting,hindi po talaga mula sa konsultasyon sa mga stakeholders,” dagdag pa ni Cainglet.
Sa ilalim ng EO No. 62, target nitong mapababa ang presyo ng bigas ng mula P6 kada kilo hanggang P7 kada kilo sa merkado sa pamamagitan ng pagbababa ng taripa sa mga imported na bigas. Una ng kinontra ito ng mga grupo ng mga magsasaka na nangambang makaapekto ito sa mga Pilipinong magsasaka lalo na kung makokompetensya nito ang lokal na produksyon dahil sa maaring bumaha aniya ang mga inangkat na bigas sa merkado.
Sinabi naman ni So na posibleng mawala na ang ayuda ng mga magsasaka para sa kanilang pagtatanim mula sa pondo na nakukuha sa mga taripang ito sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund(RCEF) na nakapaloob sa Rice Tariffication Law(RTL).
Kamakailan lamang ay naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang mga grupo ng mga magsasaka sa layuning pigilan ang pagpapatupad ng EO No. 62.Habang wala pa ang permanenting desisyon upang ihinto ito ay hiniling ng grupo na magkaroon ng Temporary Restraining Order (TRO) laban dito. Ma. Luisa Macabuhay- Garcia