GRUPO NG MGA MANGINGISDA PUMALAG SA ISYU NG REHAB SA RECLAMATION PROJECTS

Pinabulaanan ng progresibong grupo ng mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang sinabi ng  Department of Environment and Natural Resources (DENR) kamakailan na ito ay “committed” sa pagsasaayos ng  rehabilitasyon ng Manila Bay.

“Kung ginagampanan ng DENR ang mandato nitong pangalagaan ang Manila Bay laban sa anumang mapanirang proyekto tulad ng reklamasyon, hindi na dapat kami aabot pa sa Korte Suprema para humiling ng karampatang proteksyon”, ang pahayag ni  Ronnel Arambulo, Vice Chairperson.

Ang pahayag ng grupo ay isinagawa matapos ang tugon ng DENR sa petition na inihain kamakailan ng grupo at Kalikasan People’s Network for the Environment sa Korte Suprema. Ang mga naturang grupo ay nagsampa ng naturang petition para humingi ng danyos o “writs of kalikasan at  mandamus laban sa  reclamation at anumang dred­ging activities sa Manila Bay.

Giit ng grupo, saksi ang mga mangingisda at makakalikasan sa pagiging instrumento ng DENR sa mga mapanirang proyekto sa pamamagitan ng paglalabas ng environmental compliance certificates (ECC) sa mga ito, kahit na napatunayang magdudulot ng malubhang pinsala ang reklamasyon sa kapaligiran at kabuhayan.

Sa kanilang argumento, sinabi ng petitioners na ang DENR ay nag isyu ng environmental compliance certificates (ECCs) at area clearances (ACs) para sa 13 reclamation projects at nagbigay ng permits sa mahigit sampung seabed quarrying activities dito.

Ang mga naturang permit at dokumento ay inaprubahan ng DENR kahit kulang pa ang mga legal na requirements ng mga ito tulad ng sapat na assessment ng kanilang environmental impacts.

Dagdag pa ng Pamalakaya sa kanilang pahayag na ang mga proyekto ay may mga magdedeposito ng mga marine sediments sa kanilang construction na maaaring makasira sa ecosystem ng mga isda sa Manila Bay at maaaring makaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda.

Umaasa ang mga mangingisda na papabor ang desisyon ng Supreme Court (SC) sa kanilang petisyon dahil alinsunod ito sa 2008 continuing mandamus ng SC na nag utos ang naturang ahensya na i-rehabilitate at pangalagaan ang Bay.

“Umaasa kami na papaboran ng Korte Suprema ang petisyon ng mga ma­ngingisda at makakalikasan dahil sa aming konkretong batayan na nagmula sa buhay na karanasan ng mga mangingisda sa Manila Bay,” sabi ni Arambulo.

Samantala sa kanilang pahayag, inulit ng DENR ang kanilang pangako na ipatutupad ang kautusan ng SC noong 2008  sa mandamus order nito na magsagawa ang ahensya ng clean up at rehabilitasyon nito.

Giit ng DENR, nagsagawa na ito ng cumulative impact assessments sa kolaborasyon nito sa mga scientists ng University of the Philippines-Marine Science Institute (UP-MSI), upang  matiyak nito na ito ay ayon sa environmental laws upang maprotektahan ang mga lokal na komunidad at kanilang kabuhayan sa mga isasagawang proyekto rito.

“The DENR advocates for open dialogue with all stakeholders and remains steadfast in its commitment to a transparent and inclusive process as we safeguard our marine and coastal resources. Let us work together towards a cleaner and healthier Manila Bay for future generations,” ang pahayag ng DENR ka­makailan.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia