INALMAHAN ng grupong Filipinos Opposed to Corruption and Unjust System (FOCUS), isang anti-corruption watchdog ang napaulat na umano’y pamimili ng boto ng ilang kandidato sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Jun Braga, tagapagsalita ng grupo, nakarating sa kanilang tanggapan ang umano’y pamimili ng boto ng kampo ng Bulacan 4th District Board Member gamit ang Short Message Service (SMS) o text message.
Napaulat din na nasangkot sa parehong alegasyon ang mga tumatakbo sa pagkabise alkalde, congressional bet at isang alyas Bogs.
Iginiit ni Braga na maliwanag na paglabag sa inilabas na guidelines ng Commission on Elections (COMELEC) ang pamimili ng boto bukod pa sa tahasang pagkasira ng kredibilidad ng kandidato na maihalal sa puwesto.
Sa kanyang Facebook page, itinanggi naman ng Board Member Baluyot ang insidente at sinabing na-clone lamang ang kanyang numero, kasabay ng pagsasabing mayroon lamang nagnanais na manira sa kanya.
Umabot na rin sa kaalaman ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang umano’y vote buying.
“Hindi po ako natatakot at natitigatig sa gitna ng kabi-kabilang ulat (text, photos, videos, affidavit of witnesses) ng karumal-dumal na hakbang upang maagang mandaya sa paparating na halalan. Ito lamang ang aking titiyakin, na ang mga nagsasagawa ng vote buying ay mananagot sa batas. Tayo ay nakahanda nang magsampa ng kaso sa tahasang paglabag at pagsasamantalang ito,” ani Fernando.
Bagamat, pinabulaanan na ni Baluyot ang alegasyon, naniniwala ang FOCUS na nararapat lamang na maimbestigahan upang mabigyang linaw ang insidente at matulungan ang mga botante ng Bulacan na kilalaning mabuti ang kanilang kandidato.
“Ang dapat na manalo sa halalan ay mga kandidatong karapat dapat at walang bahid ng dungis at paglabag sa mga pinaiiral na batas,” ayon pa kay Braga.