BASILAN – SINISIKAP ngayon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na matukoy ang grupong nasa likod ng pananambang at pagpatay sa tatlong military intelligence officer nitong Lunes ng gabi.
Kasalukuyang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang Lamitan City para matukoy ang kakilanlan ng mga salarin sa tatlong Army intelligence agent.
Magugunitang tinambangan ng hindi pa nakikilalang gunmen ang kulay gray na Toyota HiAce van na For Registration na sasakyan ng mga biktima sa kahabaan ng national road sa may Barangay Baimbing sa Lamitan.
Namatay noon din ang tatlong sundalo na kinilalang sina Sgt. Johnny Lapinig, Sgt. Joecel Catedral at Pvt. Archie Cebuaños, na sinasabing may intelligence mission sa isang lugar sa Lamitan, Basilan nang tambangan.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, patungo ang tatlo sa isang liblib na lugar sa Lamitan nang bigla silang hinarang ng mga armadong lalake at pinaulanan ng bala.
Ang tatlo ay naatasang makipag-ugnayan sa mga residente sa naturang lugar na una nang nagpahayag ng pagnanais na isuko ang kanilang mga hindi lisensyadong assault rifle.
Kasama rin sa inaalam ng mga imbestigador ang motibo sa likod ng naturang pananambang.
VERLIN RUIZ