NANINIWALA ang Malakanyang na hindi malulusutan ng mga sindikato sa Bureau of Customs (BOC) si incoming Customs commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero.
Ayon sa Malakanyang, kumpiyansa sila na hindi kakayanin ng mga sindikato sa BOC si Guerrero gaya ng nangyari kina outgoing Customs commissioners Isidro Lapeña at Nicanor Faeldon na nalusutan ng ilegal na droga.
Ani Presidential Spokesman Salvador Panelo, magsisilbing leksiyon kay Guerrero ang mga nangyari sa panunungkulan nina Faeldon at Lapeña para mas mahigpitan ang pagpasok ng mga kontrabando sa BOC.
Idinagdag pa nito, isang magaling na heneral si Guerrero kaya alam na nito kung paano maiiwasang maulit ang pagkakalusot ng mga ilegal na droga.
Hanggang ngayon ay naninindigan ang Malakanyang na walang kasalanan umano si Lapeña sa pagkakalusot ng bilyon-bilyong pisong halaga ng shabu sa pamamagitan ng magnetic lifters na nadiskubre sa Cavite.
At sa darating na Martes, pormal ng uupo si Guerrero bilang bagong Customs chief.
Agad itinakda ang turnover dahil nag-aalala na umano ang mga empleyado ng BOC sa kontrobersiyang dulot ng naipuslit na shabu na nagkakahalaga ng P11 bilyon.
Dahil sa naturang isyu, dalawang beses na nagpalit ng pinuno ang BOC sa loob lang ng isang taon at dalawang buwan.
Kaugnay nito, hindi umano nanghihinayang si Lapeña sa termino nito bilang Customs chief.
Aniya, nagawa niya ang dapat gawin bilang commissioner at inamin nito na hindi 100% na matitigil ang korapsiyon sa BOC.
Comments are closed.