LUNGSOD MALOLOS – Kaisa ng libo-libong Bulakenyo, dadalo si Department of Justice Secretary Menardo Guevarra sa komemorasyon ng ika-120 Anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas ngayon (Enero 23, 2019) alas-8:00 ng umaga sa makasaysayang Simbahan ng Barasaoin sa lungsod na ito.
Nakaangkla sa temang “Unang Republika ng Pilipinas, Saligan sa Pagtataguyod ng Ganap na Pagbabago”, sasamahan si Guevarra nina Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado, Bise Gob. Daniel Fernando, Patnugot Tagapagpaganap DIR III Ludovico D. Badoy ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, mga kongresista, iba pang lokal na opisyales, mga kawani ng gobyerno, senior citizens, volunteer workers, mga beterano, guro, estudyante at non-government organizations.
Sisimulan ang programa sa pagtataas ng watawat na susundan ng pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Hen. Emilio Aguinaldo, ang unang presidente ng Filipinas.
Hinihikayat din ni Alvarado ang mga Bulakenyo na makiisa sa nasabing aktibidad lalo pa’t idineklarang special non-working holiday ang Enero 23 sa lalawigan ng Bulacan sa bisa ng Proklamasyon No. 651 na inisyu ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
“Ang pagbabalik-tanaw sa nakalipas na kabayanihan ng ating mga ninuno na nagbigay daan sa pagkakabilang ng Bulacan sa makulay na kasaysayan ng bansa ay isang gawang hindi dapat katamaran o balewalain bagkus ay dapat palagiang gawin nang may dangal at pagmamahal sa bayan,” ani Alvarado.
Ang makasaysayang pangyayaring ito na tinatawag ngayon na “Araw ng Republikang Pilipino, 1899” ay base sa Proklamasyon Blg. 533 na nabigyang bisa noong 2013. A. BORLONGAN
Comments are closed.