GUIAO VS ROAD WARRIORS

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
3 p.m. – Terrafirma vs Converge
5:45 p.m. – NLEX vs Rain or Shine

ISANG coach na magbabalik sa koponan na ginawa niyang kampeon at ang isa pa na magbabalik sa pro league matapos ang seven-year absence ang maghaharap sa pagsasalpukan ng NLEX at Rain or Shine sa PBA Commissioner’s Cup ngayong Biyernes sa PhilSports Arena.

Ang laro na nakatakda sa alas-5:45 ng hapon ay una ng dalawang koponan sa mid-season tourney.

Para kay coach Yeng Guiao, ito ang unang pagkakataon na magbabalik siya sa Elasto Painters, na binigyan niya ng dalawang kampeonato nang gabayan ito mula 2010 hanggang 2016. Ito rin ang kanyang unang laro laban sa kanyang dating NLEX team, na ginabayan niya nang umalis sa Rain or Shine noong 2016.

Makaraang maghiwalay sila ng landas ni Guiao sa kaagahan ng buwan, agad kinuha ng NLEX si Frankie Lim, na huling minanduhan ang isang PBA team noong 2015 bago pinalitan ni Tim Cone sa Barangay Ginebra.

Ang isang disbentahe ni Lim ay dalawang araw lamang siyang nakapag-ensayo sa NLEX simula noong Martes ng gabi.

Gayundin ay hahawakan ni Lim ang NLEX team na ipinamigay sina rising star Calvin Oftana at veteran center Raoul Soyud sa TNT via Blackwater para kay Brandon Ganuelas-Rosser sa isang trade na inaprubahan nito lamang Lunes.

Sa kanyang panig, si Guiao ay may mahigit dalawang linggo para maging pamilyar sa kanyang dating koponan na sina lGabe Norwood, Beau Belga at Jewel Ponferrada na lamang natitira mula sa mga player na dati niyang ginabayan at ngayo’y umaasa sa youth brigade nito na pinangungunahan nina Rey Nambatac, Santi Santillan at Mike Nieto.

Ang NLEX ay palalakasin ni dating NBA campaigner Earl Clark, na mismong si Guiao ang pumili, at ang r34-year-old New Jersey native ay nagkaroon ng sapat na panahon para masanay kasama ang nalalabing Road Warriors, sa pangunguna nina Don Trollano, Kevin Alas, JR Quinahan at Justin Chua magmula nang dumating noong nakaraang buwan.

Samantala, ang Rain or Shine ay may isang linggo lamang na nakapag-ensayo kasama si bagong import Steve Taylor, isang well-traveled former Toledo Rocket na kinuha ni Guiao para palitan si Daniel Ochefu.

Samantala, mula sa seventh-place league debut ay sisimulan ng Converge ang kanilang kampanya kontra Terrafirma.

Ang FiberXers at Dyip ay magsasagupa sa alas-3 ng hapon.

Sisimulan ng Converge ang kanilang journey sa ilalim ni bagong coach Aldin Ayo, na target makapasok sa Top Four sa tulong ni import Quincy Miller, ang 38th pick sa 2012 NBA Draft.

CLYDE MARIANO