PINAG-AARALAN ng Department of Agriculture (DA) ang guidelines at mechanics para sa malawakang bentahan ng P29 kada kilong bigas sa Kadiwa Stores.
Ito’y kaugnay sa inaasahang 100,000 metriko tonelada ng bigas na aanihin sa ilalim ng contract farming program ng National Irrigation Administration (NIA).
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, kasama sa pag-aaral ang umiiral na targeted na benepisyaryo para sa P29 kada kilong bigas kung saan ang mga prayoridad na pagbentahan ay mga miyembro ng 4Ps, solo parents, at seniors.
Paliwanag ni Asec. De Mesa, tinatarget ng pamahalaan na matulungan ang 30 porsiyento ng populasyon, lalo na ang mga kapus-palad.
“Ang intensiyon noon is para sa targeted beneficiary na mostly iyong mga mahihirap, tsaka seniors, at saka iyong mga solo parents… Mas mahina iyong kanilang purchasing power,” aniya.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang trial sale ng murang bigas sa piling Kadiwa sites.
Inaasahan namang aarangkada ang subsidized pricing scheme simula sa Agosto.
PAULA ANTOLIN