MATAPOS na aprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila simula sa Lunes ay naglabas na ang Transportation (DOTr) ng guidelines para sa public transportation.
Dalawang phase ang pagpapatupad ng operasyon ng iba’t ibang pampublikong sasakyan.
Sa ilalim ng Phase 1 ay papayagan nang bumiyahe ang mga tren at ang mga bus na bahagi ng bus augmentation ng pamahalaan.
Puwede na ring bumiyahe ang mga taxi, TNVS, shuttle services, P2Ps at bisikleta.
Bawal namang pumasok ang mga provincial bus sa Metro Manila mula Hunyo 1 hanggang 22.
Sa ilalim naman ng Phase 2, simula sa Hunyo 22, 2020 ay papayagan na ring bumiyahe ang mga pampasaherong bus, modern jeepney at UV express.
Bahala naman ang local government units (LGUs) sa pagbiyahe ng mga tricycle.
Patuloy namang ipatutupad ang physical distancing sa mga pampublikong sasakyan ganoon din ang pagsusuot ng face masks, pagpapatupad ng no-contact measures tulad ng cashless payment, paglalagay ng mga thermal scanners ganoon din ang disinfection sa mga sasakyan at mga terminal. PILIPINO MIRROR Reportorial Team