GUIDELINES SA FOREIGN WORK PERMIT

WORK PERMIT

INILABAS na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pinakahihintay na panuntunan na magtatakda ng mga polisiya para sa pag-isyu ng permit sa mga dayuhan na nagnanais na magtrabaho sa Filipinas.

Sa isang ceremonial signing nitong Huwebes, inisyu nina Labor Secretary Silvestre Bello III, Finance Secretary Carlos Dominguez, Justice Secretary Menardo Guevarra, BIR Commissioner Cesar Dulay, PRC Chairman Teofilo Pilando, National Intelligence and Coordinating Agency Director General Alex Paul Monteagudo, Department of Foreign Affairs, the Bureau of Immigration, Department of Environment and Natural Resources, at Philippine Amusement and Gaming Corporation CEO Andrea Domingo ang Joint Memorandum Circular No. 001, series of 2019, na nagtatakda ng mga panuntunan at regulasyon na magbibigay ng pahintulot sa mga dayuhang manggagawa na magtrabaho sa bansa.

Saklaw ng JMC 1 ang pag-iisyu ng Alien Employment Permit (AEP) ng DOLE; Special Temporary Permit (STP) ng PRC; Special provisional Work Permits at 9(g) visa ng BI; 47(a)2 at Authority to Employ Alien ng DOJ; Authority to Hire ng DENR; at ang 9(g) at 47(a)2 visa ng DFA.

Inaatasan ang NICA na magsagawa ng background investigation sa mga dayuhang magtatrabaho upang maiwasan ang posibleng implikasyon ng kanilang pagpasok sa Fi­lipinas sa pambansang seguridad.

Sa ilalim ng bagong panuntunan, kailangan munang kumuha ng mga dayuhan ng Tax Identification Number (TIN) mula sa BIR upang matiyak na nagbabayad sila ng tamang buwis, at ang ‘No Derogatory Record/ Information’ mula sa NICA at NBI.

Sinabi ni Justice Secretary Guevarra na lubhang kinakailangan ang nilagdaang JMC dahil maraming dayuhang manggagawa ang hindi rehistrado o hindi nabubuwisan ng tama, kaya kinakailangan silang ma-regulate upang matiyak na nagbabayad sila ng tamang buwis.

Binigyang diin naman ni Bello ang rule of thumb kung saan hindi maaa­ring maibigay sa dayuhang manggagawa ang work permit kung mayroong Filipino ang maghahayag ng kagustuhang gampanan ang trabahong naialok sa foreign national.

Habang hinahabi pa ang isang database, ang mga nasabing opisina ng pamahalaan ay inaatasang magsumite sa DOLE, sa pamamagitan ng Bureau of Local Employment (BLE) at sa NICA ng monthly report sa mga inisyung permit para sa consolidation.

Iniulat naman ni BLE Director Dominique Tutay na kahit hindi pa nailalabas at napipirmahan ang JMC, naobserbahan na ng DOLE ang pagtaas mula sa 60 hanggang sa 70 porsiyento ng mga aplikante ng AEP kumpara sa datos noong nakaraang taon dahil sa mga hakbangin upang mag-regulate.

“Dahil sa JMC, nabigyan ang DOLE ng karag­dagang 500 labor laws compliance officers. Nga­yon, mapalalakas na namin ang mga ginagawang ins­peksiyon at mahuli ang mga ilegal na dayuhang manggagawa,” wika ni Bello.

Noong Mayo, lumagda ang ibat ibang ahensiya ng isang kasunduan kabilang ang DOLE upang bumuo ng isang joint guideline upang pahintulutan ang mga dayuhang manggagawa na magtrabaho sa Filipinas.   PAUL ROLDAN

Comments are closed.