GUIDELINES SA IMPLEMENTASYON NG PH-KR FTA INILABAS NG BOC

INILABAS ng Bureau of Customs (BOC) ang Customs Memorandum Order (CMO) 11-2024 na pinamagatang “Guidelines on the Issuance of Proof of Origin, Granting of Preferential Tariff Treatment Under the Philippines–Korea Free Trade Agreement (PH-KR FTA)” bilang patnubay sa pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 80.

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang EO 80 na nagtatakda ng pagbabago sa mga taripa ng ilang mga produkto alinsunod sa mga pangako ng Pilipinas sa ilalim ng PH-KR FTA.

Layunin ng kasunduang ito na palakasin ang kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at South Korea, pasiglahin ang ekonomiya at isulong ang regional integration.

Ang CMO na nilagdaan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio ay epektibo noong Disyembre 31, 2024 kasabay ng pagsisimula ng implementasyon ng EO 80.

Nilalaman nito ang mga proseso tulad ng pre-exportation examination o product evaluation, pagkuha ng Certificates of Origin, aplikasyon para sa “Approved Exporter” status, mga obligasyon ng “Approved Exporter,” pagsasagawa ng Origin Declaration at mga protocol sa beripikasyon.

Sa ilalim ng EO 80, ang mga produkto mula South Korea na nakalista sa Philippine Schedule of Tariff Commitments ay magkakaroon ng mas mababa o zero tariff rates basta natutugunan nito ang mga itinakdang rules of origin at may kalakip na kaukulang proof of origin.

“The issuance of this Customs Memorandum Order underscores the BOC’s commitment to facilitating trade and fostering economic partnerships with our global partners. By providing clear guidelines, we aim to ensure a smooth transition and effective implementation of the Philippines–Korea Free Trade Agreement,” ayon kay Rubio.

Ang EO 80 at ang kaukulang CMO ay mahalagang hakbang sa pagsusulong ng trade liberalization at regional economic integration ng bansa.
RUBEN FUENTES